Natatawa na lang sina Maui Taylor at Jopay Paguia tungkol sa ginagawa noon ng ilan na "pag-awayin" ang kanilang mga grupo na SexBomb Girls at Viva Hot Babes.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, sinabi nina Maui at Jopay na magkakilala na sila sila noong kasikatan ng kani-kanilang grupo.

"Actually pinag-aaway kami na pilit. Pinagtatapat kami," sabi ni Maui.

"Hindi sila nagtagumpay... 'yung mga gusto kaming pag-awayin," natatawang sabi ni Jopay.

ADVERTISEMENT

"Hindi nagtagumpay 'yung mga nagpapabangga," pagkumpirma naman ni Maui.

Ayon kina Maui at Jopay, wala problema ang kani-kanilang grupo na kung minsan ay nagkakasabay pa sila na naiimbitahan para magtanghal sa isang lugar.

"Palagi kaming nagkikita sa shows, sa fiestas," sabi ni Maui.

"Kunwari sumayaw na sila. Tapos kami 'Tapos na kayo?' 'O kayo na.' 'Okay pasok na kami,'" masayang balik-tanaw ni Jopay.

Ikinuwento rin ni Jopay na sa kabila ng galing sa paghataw ng ng SexBomb Girls sa dance floor, hindi raw nila magaya ang ilang dance steps ng Viva Hot Babes, gaya sa tuktuging "Bulaklak."

"Kunwari na lang 'yung 'Bulaklak' nila. Sabi ko 'Bakit ganu'n, sa kanila ang sexy ng dating, bakit sa sa amin para tayong mga Masculados?'" kuwento ni Jopay patungkol sa isang  all-male song-and-dance group.

"'Bakit sila okay naman, bakit tayo hiphop?' Hindi namin [magaya] talaga, tapos kami ang dancers," natatawang dagdag pa ni Jopay.

Lahad naman ni Maui, "Kami pa-cute-cute lang eh."

"Ganu'n talaga daw po pala. Kahit dancer ka, meron kang hindi magagawa kapag wala ka roon at hindi mo pinractice nang matagal. Magkaiba talaga," sabi ni Jopay. --FRJ, GMA Integrated News