Ikinuwento ni Edu Manzano na naging propesor niya noon sa kolehiyo si Direk Joey Reyes. Hindi makalimutan ng aktor nang pumasok siya sa klase nito na nakatapis lang at basang-basa.

Sa video ng Kapuso Showbiz News, sinabi ni Edu na iskolar siya noon at atleta ng unibersidad, at hindi pa siya artista.

Dahil sa pagiging atleta, madalas umanong nala-late sa klase ni direk Joey si Edu dahil sa mga practice. Bagay na hindi umano nagustuhan ng direktor dahil nagiging bad example ang aktor sa kaniyang mga kaklase.

Dahil dito, sinabi ni Edu na nagbanta umano sa kaniya si direk Joey na ibabagsak siya klase kapag patuloy na na-late.

Ayon pa kay Edu, ikinabahala niya ang sinabi ng kaniyang propesor dahil maapektuhan ang kaniyang pagiging iskolar kapag bumagsak sa klase nito.

ADVERTISEMENT

Kaya naman kinausap umano ni Edu ang kaniyang coach na payagan siya na mas maagang makaalis mula sa practice para hindi mahuli sa klase ni direk Joey.

Pero habang nasa shower, bigla umanong nag-ring ang bell na hudyat ng simula ng klase niya kay direk Joey.

At para hindi ma-late at makapagpatawa na rin, sinabi ni Edu na nagtapis na lang siya nang pumasok sa klase ni direk Joey kahit basa pa ang buhok.

Bagaman nagtawanan umano sa klase, pero hindi si direk Joey.

"You think you're funny?," sabi ni Edu na tanong daw sa kaniya ng kaniyang propesor.

Matapos umano niyang magpaliwanag na ayaw lang niyang ma-late sa klase, sinabi ni Edu na pinaupo siya ni direk Joey sa tabi ng aircon.

"Pinatabi ako sa aircon. Basang-basa ako, ayun sinipon ako ng tatlong araw," natatawang balik-tanaw ni Edu.

"Nandun ako [sa klase], nakatapis ako, tahimik lang pero nanginginig ako sa lamig," sabi pa ng aktor.

Ayon pa kay Edu, nagulat umano si direk Joey nang malaman nito na nag-artista. Pero lagi raw ikinukuwento ng direktor ang naturang pangyayari sa classroom kapag nagkakasama sila sa trabaho. --FRJ, GMA Integrated News