Sa kaniyang sipag at tiyaga sa pagtitinda ng sinaing na tulingan, napagtapos ni Lola Pastora Yldelso ng pag-aaral ang kaniyang mga anak at nakapagpundar ng bahay at lupa. Pero gaya ng ibang negosyante, nakaranasan siya ng matinding pagsubok nang magkaroon ng pandemic lalo na't isa na siyang senior citizen.

Sa programang "Pera Paraan," sinabing marami ang nakakakilala kay Lola Pastora sa palengke ng Santa Rosa, Laguna dahil sa kaniyang masarap na sinaing na tulingan.

Bukod sa malinamnam, kahit daw tinik ng isda ay puwedeng kainin sa lambot nito. 

Dalaga pa lang, natuto nang magluto at maglako ng sinaing na tulingan si Lola Pastora Yldelso dahil sa kaniyang tiyahin.

Pero nang tumagal, nagkaroon na siya ng puwesto sa palengke at doon lalong dumami ang kaniyang mga suki.

ADVERTISEMENT

Si Lola Pastora ang namamalengke, naghahanda, at nagluluto ng tulingan. Sa isang linggo, kumikita si lola ng P7,000.

Nang nagkaroon ng pandemya, nasubok ang tatag ni Lola Pastora dahil hindi siya makalabas at hindi makapagtinda.

Kaya ang naipong pera, unti-unting nauubos.

"Akala ko maibebenta ko itong bahay at lupa, biruin mong dalawang taon akong walang hanapbuhay," sabi ni Lola. "Para akong maloloka noon."

Pero gaya ng ibang negosyante, hindi sumuko sa pagsubok si Lola Pastora.

"Nagtinda ako sa palengke, awa ng Diyos hindi naman nasisita doon. Awa ng Diyos nakabangon muli," pasasalamat niya.

Kahit nauubos ang kaniyang paninda, mahalaga para kay Lola Pastora na maipaikot niya ang kaniyang puhunan para patuloy din ang kaniyang hanapbuhay.

Dahil sapat lang sa pangangailangan nila ang kaniyang kinikita, nakatanggap si Lola Pastora ng munting regalo mula sa "Pera Paraan" upang may paghugutan siya ng puhunan kung kakailanganin niya.

Pero papaano nga ba magluto ng sinaing na tulingan at papaano malalaman kung sariwa ang tulingan? Tunghayan ang video na ito ng "Pera Paraan." --FRJ, GMA Integrated News