Nakatitipid sa gastusin sa paglalaba ang ilang residente sa Davao City nang matuklasan nila na puwedeng gawing sabong panlaba ang mga bunga ng isang misteryosong puno na tatlong dekada nang nakatayo sa kanilang lugar. Ano nga bang klaseng punongkahoy ito?

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing makikita ang nasabing puno na kulay orange o brown ang bunga sa Barangay Marilog.

Kasingliit lang ng kalamansi ang bunga nito, ngunit mabalahibo at wala ring amoy. Hindi rin ito nakakain kaya binabalewala lang ng mga residente, at hindi nila alam kung anong klaseng kahoy ito.

Kahit tatlong dekada nang nakatayo ang puno, pero noong nakaraang buwan lang nadiskubre ng magsasakang si Jonel Navarez na bumubula pala ang bunga nito.

Nang subukan sa paglalaba, nakita nilang puwede itong gawing sabon dahil epektibong nakaaalis ng dumi at mantsa.

ADVERTISEMENT

Ang tatlong maliliit na bunga, katumbas na agad ng isang sachet ng detergent o sabong panlaba.

“Dito sa amin ang isang sachet ay P8. Kapag wala kaming budget pambili ng detergent ‘yun ang kinukuha namin, ‘yung  bunga ng kahoy para ilaba namin,” sabi ni Navarez.

“Makakatipid ka talaga, kasi hindi ka na bumibili ng sabon. ‘Yung pambili mo ng sabon, ibigay mo na lang sa mga pambaon ng mga anak mo,” sabi ng maybahay na si Jenalyn Oliver.

Ngunit dahil walang amoy ang bunga at ang bula, gumagamit na lang ang ibang residente ng fabric conditioner para maging amoy mabango ang kanilang labada.

Bukod sa labahin, nagagamit din ang bunga ng kakaibang puno para sa paghuhugas ng plato.

Sa pagsusuri ni Rene Valenzuela, forester ng City Environment and Natural Resources Office ng Davao City sa puno, hindi niya rin agad natukoy kung anong klaseng puno ito.

“Very rare po siya na kahoy. Ngayon lang ako nakakita ng ganito… Halos every week kaming umaakyat ng bundok, hindi ko ito nakita na puno. For me it is rare itong puno na ito. Nasa pamilya siya ng mga lansones,” sabi ni Valenzuela.

Ngunit ayon sa botanist na si Jayson Mansibang ng University of the Philippines Diliman, ang nasabing puso ay Trigonachras Cultrata, na nasa pamilya ng Sapindaceae, at tinatawag ito locally bilang "Ngaratngat."

Ang balat ng prutas ng Ngaratngat ay mayroon umanong saponin, isang klase ng natural na sabon. Meron itong surfactant kaya maganda itong cleaning agent.

Gayunman, ligtas kayang gamitin ang bunga ng Ngaratngat sa mga damit, at maaari rin kaya itong gawing sabon sa katawan? Alamin ang tugon ni Mansibang sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News