Nagkaroon nga kaya ng balikan at muli nang isinuot ni Bea Alonzo once ang engagement ring nila ni Dominic Roque?

Iyan ang tanong ng netizens nang mapansin ang suot na singsing ni Bea sa mga larawan na naka-post sa Instagram.

BASAHIN: 7 celebrity couples na 'di nauwi sa kasal ang engagement

Ang post ay isang video slideshow na makikikita ang mga larawan ni Bea habang nag-e-endorso ng isang skincare brand.

 

"OMG! Sino nakapansin dito, 'yung ring?" ayon sa isang nagkomento sa post.

"Wow suot na makakatulog na ko ng mahimbing," sabi naman ng isa pang netizen.

Noong nakaraang taon, umugong ang mga bali-balitang hiwalayan nina Bea at Dominic, hanggang sa kumpirmahin ito sa programang "Fast Talk With Boy Abunda" nitong nakaraang buwan.

Ayon kay Tito Boy, batay sa kaniyang sources, isinauli ni Bea ang engagement ring kay Dominic.

Kasunod nito ay naglabas ng joint statement sina Bea at Dominic na nagkukumpirmang tinatapos na nila ang kanilang engagement.

Kasabay ng anunsiyo noon ni Tito Boy ang paghihiwalay ng dalawa, sinabi rin ng King of Talk na gumagawa ng paraan si Dominic para muling suyuin si Bea.

Hinikayat din niya ang publiko na huwag husgahan ang dalawa.

Naging engaged sina Bea at Dominic noong July 2023, at nakatakda sana silang magpakasal ngayong taon.

Kasalukuyang ginagawa ngayon ni Bea sa GMA Network ang upcoming series na "Widow's War," kasama si Carla Abellana. -- FRJ, GMA Integrated News