Ikinuwento nina Aubrey Miles at Troy Montero kung papaano naging "tulay" sa kanilang relasyon si Kris Aquino.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, binalikan ng mag-asawa ang panahon na guest noon si Troy sa isang programa ni Kris at doon inihayag ng aktor na showbiz crush niya si Aubrey.

Kaagad na tinawagan umano ni Kris si Aubrey.

"Tumawag siya on-air, live. Sabi niya, 'Can I give your number?' Ta's sabi ko, 'Yeah, sure,'" sabi ni Aubrey.

Nang araw na iyon, nasa kabilang kuwarto lang umano si Aubrey na naghahanda naman sa kaniyang guesting sa susunod na programa.

Pinapanood umano ni Aubrey ang naturang interview ni Kris kay Troy.

"After n'yo, kami na next. 'Di pa ako tapos mag-makeup, dumaan siya ng dressing room," sabi ni Aubrey kay Troy,  na gusto raw magpakuha ng larawan na kasama siya.

Dagdag ng aktor, "Siyempre, I had to follow up kasi the ice has been broken 'di ba? So I went straight and I said hi, introduced myself."

Dahil hindi pa tapos mag-makeup, sinabi ni Aubrey, naghintay pa si Troy sa labas.

"You asked for a photo," pag-alaala ni Aubrey. "'Di ko alam kung sure talagang gusto niyang magpa-photo, gusto lang na may purpose 'yung pagkatok niya."

Ayon kay Troy, nakatabi pa ang naturang larawan nila ni Aubrey.

"Tapos sabi niya, 'I'll message you.' Alam mo, pag-uwi ko pagkatapos ng show, may message agad ako," sabi ni Aubrey.

Marso 2022 nang maging engaged ang dalawa matapos ang 18 taon ng kanilang pagiging magkasintahan.

Ilan buwan matapos ang kanilang engagement, nagpakasal sina Troy at Aubrey noong June 2022 sa isang intimate civil ceremony.

Mayroon na silang dalawang anak na sina Hunter at Rocket, at may isa pang anak sa dating karelasyon si Aubrey.

Napapanood ngayon si Troy sa Kapuso afternoon series na "Lilet Matias: Attorney-At-Law," na pinagbibidahan ni Jo Berry. Habang makakasama naman si Aubrey upcoming adaptation ng hit K-drama "Shining Inheritance" na bida sina Kyline Alcantara, Kate Valdez, Paul Salas, Michael Sager, at Coney Reyes.—FRJ, GMA Integrated News