Muling nagkasama sa Kapuso primetime series na “My Guardian Alien” sina Kiray Celis at Kirst Viray. Kaya naman nilinaw ng aktres ang tunay na relasyon nila ng binata dahil sa napagkakamalan silang naging magkasintahan.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes, kinumusta ni Tito Boy si Kiray na makatrabaho muli ang kaniyang "ex" na si Kirst.

“Hindi ko po siya ex! Tito Boy ha,” paglilinaw ni Kiray.

Agad namang humingi ng paumanhin si Tito Boy.

“Ano lang, ex-workmate, pero hindi kami naging…” paliwanag pa ng Kapuso comedienne. “Wala po (relasyon).”

ADVERTISEMENT

Binalikan ni Tito Boy ang isang panayam kina Kiray at Kirst noon na wala silang awkwardness sa isa’t isa.

“Kasi para po talaga siyang katrabaho ko na naging kaibigan ko. Tapos noong padulo na, para ko na siyang kapatid. Sobrang bait ni Kirst, as in,” paliwanag ni Kiray.

“So nothing romantic?” tanong ni Tito Boy.

“Sabi ko nga sa ‘yo Tito Boy, basta ‘pag sa trabaho, pera-pera talaga tayo,” biro ni Kiray.

“Noong time na nagte-trending kami, tapos in-offer-an kami ng malaki for a show, sabi ko ‘Let’s go!’” ani Kiray.

Gayunman, inilahad ni Kiray na hindi niya tipo ang mga nasa showbiz.

“Hindi po ako mahilig sa artista,” sabi ni Kiray, nang tanungin kung may pag-asa si Kirst kung liligawan siya nito.

Sa ulat ng pep.ph, sinabing naging trending ang "Kiray-Viray" tandem matapos mag-viral ang posts ni Kiray ng mga larawan nila ni Kirst.

Nagkasama pa sina Kiray at Kirst sa pelikulang kanilang ginawa para kay Brillante Mendoza noong Abril 2017.

In a relationship ngayon si Kiray kay Stephan Estopia. -- FRJ, GMA Integrated News