Naging mahigpit pero masaya at puno nang kulitan ang laban ng "It's Showtime" hosts na pinangunahan nina Vice Ganda at Anne Curtis sa episode ng "Family Feud" nitong Lunes.

Kasama ni Vice sa kaniyang team sina Jhong Hilario, Amy Perez, at Jugs Jugueta.
Habang kasama ni Anne sa kaniyang team sina Vhong Navarro, Ogie Alcasid, at Teddy Corpuz.

Nakuha ng team ni Anne ang unang dalawang round na ang mga tanong ay tungkol sa mga celebrity na may pangalang Kim, at mga hayop na mananalo sa kontes ng "pataasan ng ihi."

ADVERTISEMENT

Pagkatapos ng unang dalawang round, nakalikom ang team ni Anne ng 169 points, habang zero naman ang team ni Vice.

Pero nakahabol ang team ni Vice sa sumunod na dalawang round na may double points. Nasagot nila ang tanong kung sino dapat ang maging principal kung may beauty queen school, at ano ang good news na sinasabi ng duktor sa mga pasyente para sa total score na 388 kontra sa 169 nina Anne.

Sa Fast Money round, sina Vice Ganda at Jhong ang naglaro pero bigo silang makuha ang 200 points kaya hindi nila nakuha ang premyong karagdagan sanang P100,000.

Nanalo ang team ni Vice ng P100,000 habang P50,000 naman ang team ni Anne.

Bago ang laro, binigyan ng sorpresa ng "Family Feud" si Vice na nagdiwang ng kaarawan.

Napapanood ang "Family Feud" tuwing 5:40 p.m. mula Lunes hanggang Biyernes, habang napapanood naman sa GMA 7 ang "It's Showtime" mula Lunes hanggang Sabado tuwing tanghali. —FRJ, GMA Integrated News