Ikinakampanya ng Department of Health (DOH) ang buwan ng Mayo bilang Cervical Cancer Awareness Month. Ang naturang sakit ang ikalawang "most common form" ng cancer sa mga kababaihan sa Pilipinas. Anu-ano nga ba ang sanhi nito?

Sa programang "Pinoy MD," sinabing ang cervical cancer ay dulot ng pagtubo ng abnormal na cells sa lining ng cervix ng isang babae.

ADVERTISEMENT

Mga babae na nasa edad 15 hanggang 44 ang maituturing "at risk" o maaaring magkaroon ng cervical cancer.

Batay pa sa DOH, nasa 12 ang namamatay kada araw sa bansa dahil sa naturang sakit.

Ilan sa mga dahilan ng pagkakaroon ng cervical cancer ang pagbubuntis ng higit sa apat na beses, pagkakaroon ng mahinang resistensiya, at paninigarilyo o secondhand smoking.

Maaaring ma-screen ang isang babae para sa cervical cancer sa pamamagitan ng visual inspection na may acetic acid at PAP smear, upang maagapan ang karamdaman.

May HPV vaccine na rin na ibinabakuna sa mga babae para makaiwas sa sakit. -- FRJ, GMA Integrated News