Matapos aminin ni Yasser Marta na nahulog ang loob niya kay Claudine Barretto nang gawin nila ang series na "Lovers/Liars," tinanong ang aktor kung naging magkarelasyon ba sila ng batikang aktres.

"Naging kayo ba ni Ms. Claudine Barretto?" diretsahang tanong ni Tito Boy kay Yasser sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles.

"Hindi po," sagot ni Yasser.

Dahil dito, inusisa si Yasser tungkol sa sinabi niya noon na nagkaroon siya ng pagtingin kay Claudine noong gawin nila ang "Lovers/Liars."

ADVERTISEMENT

"Sino ba ang hindi mahuhulog sa isang Miss Claudine Barretto? Napakalambing, napakaganda, lahat ng iwi-wish mo nasa kaniya na," sabi ni Yasser.

Kung may kakayahan, sinabi ng Sparkle actor na ibabalik niya ang oras para naging magkasabay sila ni Claudine sa industriya.

"Ako, kung maibabalik ko lang siguro 'yung panahon dati na sabay kaming nandito sa industriya, Tito Boy, sana mabalik ko 'yon," sabi niya.

Inihalintulad ni Yasser sa isang kanta ang naging timing sa naramdaman niya kay Claudine, "Yung [sabi sa] kanta nga... right love at the wrong time."

Sa kaniyang pagsalang sa programang "Sarap Di Ba?" sinabi ni Yasser na naging close sila ni Claudine noong ginagawa ang "Lovers/Liars."

"Well, sa closeness namin ni Miss Clau, 10 talaga. As in sobrang naging close kami, ginagawa namin yung 'Lovers/Liars.' Talagang oo," pag-amin niya.

"I'm going to be honest. Totoo. Ako naman, 'yung naramdaman ko at that moment, naging totoo ako, gusto ko rin naman talaga si Claudine," sabi pa nito.

Nakatanggap pa noon ng regalong sapatos si Claudine mula kay Yasser.-- FRJ, GMA Integrated News