Inaresto at sandaling nadetine ang aktor na si Baron Geisler sa himpilan ng pulisya sa Mandaue City, Cebu nang arestuhin siya dahil umano sa pagiging lasing at pagwawala nitong Sabado.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabi ng pulisya na nangyari ang insidente sa Barangay Canduman.
Dinala si Baron sa pulisya dahil sa paglabag niya sa City Ordinance tungkol sa paglalasing at panggugulo.
Kinalaunan, pinalaya rin siya matapos magbayad ng multa bunga ng paglabag sa ordinansa.
Sa isang Facebook nitong Lunes, sinabi ni Baron na may ilang “misinformation” at “confusion” sa kinasangkutan niyang insidente.
Pinuna rin niya ang news outlets na bigo umanong “to verify the facts before reporting.”
“I want to make it clear—I’m okay, and I’m seeking legal advice to address this properly,” saad niya sa post.
“To those who continue to stand by me, thank you,” dagdag niya. “Your support means everything.”
— FRJ, GMA Integrated News
