Laking-gulat ng isang pamilya sa Barangay San Simon sa Bani, Pangasinan, nang makita ang isa sa isinilang na tuta ng kanilang alagang aso na "walang" mukha.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, sinabi ni Raziel Doctor-Sercado, amo ng nanganak na asong si "Luna," na walang mata, walang ilong, walang tainga, at walang bibig ang isa sa lima nitong anak.

Malusog naman daw at kompleto ang mga parte ng katawan ng tuta, at ang mukha lang nito ang nagkaroon ng problema.

Normal naman daw ang hitsura ng lima nitong kapatid.

“Nagulat ako kasi first time kong makakita ng gano’n na aso, na walang mukha,” ani Raziel, na sinabi ring na unang panganganak iyon ni Luna na dalawang-taong-gulang.

Buhay na isinilang ni Luna ang tuta na walang mukha, at namatay pagkaraan ng tatlong oras.

Ayon sa veterinarian na si Dr. John Mark Gassingga, isang congenital defect ang nangyari sa tuta na nangyayari kapag may kakulangan sa nutrisyon ang inang aso habang nagbubuntis.

“Ang widely used na term dito is congenital defect... nakukuha siya sa poor nutrition during the pregnancy of the mother,” paliwanag ni Gassinga.

Ayon din kay Raziel, napansin niya ang pagbabago sa ugali ni Luna matapos ang panganganak.

“Nag-iba ang ugali. Naging matapang siya. Takbo nang takbo, parang may hinahanap siya lagi,” sabi ni Raziel.

Hinihinala naman ni Gassingga na maaaring may kaugnayan ito sa hormonal changes ni Luna.

“Anxiety or more on hormonal din ang problems. Biglang bagsak ng hormones kaya siya nagkaganun,” ayon sa duktor. -- FRJ, GMA Integrated News