Binalikan nina Paolo Contis at Lani Mercado kung paanong naging masugid nilang tagapagtanggol ang yumaong veteran showbiz writer at host na si Lolit Solis, sa kabila ng mga kinaharap nilang pagsubok noon sa buhay.
Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, inalala nina Paolo at Lani ang ilan sa mga mahahalagang alaala nila kay Manay Lolit, na tinawag ni Paolo na kaniyang “protector and enemy.”
“Iba kasi kami mag-away ni ‘Nay Lolit eh. As in, grabe ‘yung pagpapagalit niya sa akin kapag may mga maling nangyayari. And kapag hindi ako sumusunod, ang gagawin niya, ‘yung mga mali ko, ikakalat niya ‘yun,” kuwento ni Paolo.
Sa kabila ng "tough love" sa kaniya ni Manay Lolit, katumbas naman nito ang masigasig ding pagtatanggol sa kaniya.
“Poprotektahan naman niya ako kapag nag-backfire sa akin. Pero gano'n talaga siya maglambing. She’ll protect you kahit kanino, kahit kanino talaga nang-aaway talaga siya. Nakita ko ‘yun, naranasan ko ‘yun,” ani Paolo.
Ganito rin ang pag-alala ni Lani, na sinabing mabusising mag-imbestiga si Manay Lolit at walang sawang nagtatanggol ng mga mahal nito sa buhay.
“Mas marami pa siyang alam kesa sa akin. At sasabihin niya lahat ang mga sikreto. At pagkatapos nu'n, at the end of the day, sasabihin niya, ‘‘Wag kang mag-alala, imbestigahan ko ‘yan,” sabi ni Lani.
“Pero para sa akin, nanay will always be our defender,” dagdag pa niya.
Dagdag ni Lani, prangkang tao si Manay Lolit at sinasabi sa kaniya kung ano talaga ang tama at mali.
“Pero ang laging advice niya sa akin is ‘Laban lang, Lani. Stay. Stick it out through thick and thin.’ Kasi nanay eh. Alam naman natin ‘yung istorya naming mag-asawa. She will always be there in the highs and lows of our lives,” sabi niya.
Pumanaw si Lolit nitong nakaraang linggo dahil sa heart attack. – FRJ, GMA Integrated News
Paolo Contis at Lani Mercado, inalala ang pagtatanggol sa kanila ni Lolit Solis
Hulyo 8, 2025 11:06pm GMT+08:00
