May mensahe si Interior Secretary Jonvic Remulla kay Laguna Governor Sol Aragones sa harap ng kanselasyon ng klase at pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa Martes, July 22, 2025 sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan pero hindi kasama ang Laguna.
Sa Facebook post ng DILG nitong Lunes, tinawag ni Remulla na ‘bago kong BFF’ ang gobernadora.
“Bakit ba ganyan? Ayon sa DOST (Department of Science and Technology) ay hindi raw kasama ang Laguna sa Hazard map para bukas. Kung tutuusin ay isang ilat lang ang pagitan natin,” ayon sa kalihim tungkol sa pagiging magkalapit ng Laguna at Cavite na dating gobernador si Remulla.
Sa naunang pahayag na inilabas ni Remulla, sinabi nito na inirekomenda na kanselahin ang pasok sa mga paaralan at pasok sa mga tanggapan sa gobyerno sa:
- 1 Metro Manila
- 2. Zambales
- 3. Bataan
- 4. Pampanga
- 5. Bulacan
- 6. Cavite
- 7. Batangas
- 8. Rizal
- 9. Pangasinan
- 10. Tarlac
- 11. Occidental Mindoro
Ngunit hindi kasama sa listahan ang Laguna na idineklara naman ni Aragones na walang pasok sa mga paaralan sa Martes sa lahat ng antas, pribado at publiko.
Gayunman, idineklara ni Aragones na may pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Gayunman, sinabi ni Remulla sa post na susuportahan niya ang deklarasyon ng gobernadora kung sa tingin nito ay nanganganib ang kaniyang mga kababayan.
“Ganito ire, kung tingin mo nanganganib ang mga kababayan mo ay ikaw na ang bahala. Suportahan ta ka. Basta kung ano ang desisyon mo, back up ako 100%. Oh ayan. Good luck!,” ayon sa kalihim.
-- FRJ, GMA Integrated News

