Viral sa social media ang isang pamilya sa Tangub City, sa Misamis Occidental, dahil ang kanilang vlog-- ang pagmumukbang ng mga lamang-dagat na bagong huli at hilaw pa. Ligtas kaya ang kanilang ginagawa?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” itinampok ang pamilya ng mga mangingisda noon, na content creators ngayon na sina Rechie Asister, Romely Asister Leonardo,
Nagsimula ito kay Rechie, na nakitang kumikita ng pera ang mga nagva-vlog. Kaya naisip niyang kumain ng hilaw o kilaw na seafood, na sagana sa Tangub City.
Isa sa kaniyang mga video ang paglantak sa bagong ahon na pusit kahit napakakunat nito, at ng pugita na kumakapit-kapit pa ang galamay sa kaniyang bibig. Kinain din niya ang napulot niyang sea cucumber.
Dahil dito, nakilala si Rechie bilang si “Boy Kilaw.” Pinaka-viral sa kaniyang mga vlog ang pagkain ng buhay na alimango.
Una niyang sahod sa kaniyang vlog ay P30,000.
Tinutulan ito noon ng kaniyang asawang si Gemma Asister, tindera ng isda. Ngunit nang kumita na sila, napasubo na rin siya at kumain na rin ng mga hilaw na lamang-dagat.
Ayon sa kanila, mas malaki ang kanilang kita sa vlog kaysa sa pangingisda at pagbebenta ng isda, na P15,000 kada buwan, at umaabot pa ng P50,000.
Si Boy Kilaw naman, P200,000 ang pinakamataas na kinita sa isang buwan.
Dahil dito, nakapapagpatayo na sila ng bahay, nakapagpundar ng mga baklad, at napag-aral ang tatlo nilang anak.
Kalaunan, nagsipag-vlog na rin ang mga kapatid ni Rechie. Si Rechie at ang kuya niyang si Randy, nag-collab at lumamon ng mga bagong huling sugpo.
Ang panganay naman nilang kapatid na si Rolito Asister, minukbang kasama ng anak ang nahuli nilang walo-walo. Pagka-sunggab sa ulo ng ahas, iniabot niya naman ito sa kaniyang anak para kainin.
“May mga kuwento rin na kapag kumain ka ng walo-walo, pagkalipas ng walong araw patay ka na. Pero wala namang masamang nangyari sa akin,” ani Rolito.
Paliwanag ng senior veterinarian na si Dr. Chris Martin Bain, ang kinain ni Rolito ay isang marine file snake, na non-venomous. Gayunman, may panganib pa rin kapag kinain ito nang hilaw, dahil meron itong parasites o bacterial contamination.
Ang kapatid naman nilang si Rizamae Asister Egas, nahirapang kainin ang isang isda, at hindi rin kinaya ang lasa.
Ang bayaw nilang si John Michael Malalis, naimpluwensiyahan na rin habang si Romely Asister Leonardo, nilantakan ang alimango na bagong baklas pa lang at gumagalaw pa ang mga paa. Kaya rin ni Romely na umubos ng isang dambuhalang tuna.
Gayunman, may mga pagkakataong sumasakit ang kaniyang sikmura.
Ngunit paalala ni Bain, may dalang panganib ang ginagawa ang mag-anak sa pagkain ng hilaw.
“Fresh seafood has to be prepared properly talaga. Cucumbers can contain vibrio cholera, can contain heavy metal poisoning. Shellfish, crabs, specifically heavy metal poisoning since filter feeders ‘yan. They filter out the water and naiiwan 'yung heavy metal sa loob, even some forms of hepatitis,” ayon kay Bain.
Ipinaliwanag naman ni Dr. Vincent A. Manuel, MD, internal medicine, na hindi sapat ang suka na ginagawang sawsawan para patayin ang mga mikrobyo o parasite sa hilaw na pagkain.
“Maaaring magkaroon ng salmonella, e.coli at gastrointestinal problems. Palagiang pagtatae, pagbagsak ng immune system. Para rin ito mag-cause ng paralysis at cardiac arrest,” babala niya.
Sa kabila ng mga batikos, mas pinipili ng magkakapatid na mag-vlog, dahil malayong malayo ito sa kinikita nila sa dati nilang trabaho.
“Malaking indication ito kahirapan sa buhay. Dahil sa condition natin na scarce, kung una, paghahanap ng trabaho, pangalawa 'yung accessibility nito para sa mga tao,” paliwanag ng sociologist na si Ferdinand Sanchez II.
“Dumadami ang kanilang viewers, but mas naapektuhan 'yung health nila. Maging responsable ka sa sarili mo. If gagawa kayo ng mga extreme na content, maglagay kayo kaagad ng warning dahil maraming nanonood ng mga bata,” paalala ng social media expert na si Martin Lorens Carpio.—FRJ, GMA Integrated News
