Nakahinga na nang maluwag ang mga residente sa isang barangay sa San Fernando, Cebu matapos na makita at ligtas na mahuli ang isang dambuhalang sawa na nakawala sa hawla ng pamilyang nag-aalaga sa kaniya.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkules, sinabing nakita ang sawa kaninang umaga sa masukal na bahagi sa Barangay Magsico, kung saan nakatira ang nag-alaga sa sawa ng 10 taon.

May haba na mahigit 16 na talampakan ang sawa at bigat na aabot sa 100 kilo.

Nitong Lunes nang manawagan sa social media ang may-ari ng sawa na hanapin ang kaniyang alaga matapos na makakawala sa kanilang bahay.

Dahil sa laki ng sawa, itinuturing mapanganib ito lalo na sa mga bata kaya kaagad na isinagawa ang paghahanap at paghuli sa ahas.

Ikinatuwa rin ng may-ari ng sawa na ligtas na nahuli ang kaniyang alaga na dadalhin sa pasilidad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para alamin ang nararapat na gawin sa sawa na isang reticulated python. – FRJ, GMA Integrated News