Para mapabilis ang kanilang pagbababa sa Linabo Peak sa Dipolog City na may 3,003-steps, nagpapadausdos sa handrail ng hagdan ang ilang estudyante, guro at mga residente. Pero ang lokal na pamahalaan, nag-aalala sa kaligtasan ng mga tao.

Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nasa Barangay Lundungan sa Dipolog City sa Zamboanga del Norte ang Linabo Peak.

Sa isang ulat ng GTV News Balitanghali, makikita kung papaano magpadausdos ang mga tao—kabilang mga high school student— sa naturang bakal na hawakan ng napakataas na hagdan.

Naglalagay sila ng net bag na sapin sa puwet upang maging madulas ang kanilang pagdausdos.

Ginagawa umano ng estudyante ang pagdausdos para hindi sila ma-late sa klase sa kanilang paaralan na nasa ibaba ng hagdan.

Mayroon ding paaralan sa itaas ng hagdan, at nagpapadulas din ang ilang guro at residente para mabilis silang makababa sa kanilang pag-uwi.

Ayon sa isang guro, aabot ng isang oras kapag naglakad sa hagdan, habang nasa limang minuto lang kung magpapadausdos sila.

Sanay na rin umano sila, maging ang mga estudyante sa naturang kakaibang paraan ng kanilang “transportasyon” pababa.

Ang mga lokal na opisyal, nangangamba sa kaligtasan ng mga tao sa ginagawang pagpapadausdos dahil maaari itong pagmulan ng disgrasya.

“That particular area is under the Office of the City Tourism but then our personnel from the City Tourism Office have been trying to discourage people from doing that because of safety concerns. We cannot force them to stop, usahay badlungon lang namo,” ayon kay Dipolog City Information Officer, Lorenzo Aseniero II.

Nag-iisip na umano ang lokal na pamahalaan ng alternatibong transportasyon sa lugar.

“The provincial government has been trying to find a way na puwedeng madadaanan ng sasakyan,” dagdag ni Aseniero. – FRJ GMA Integrated News