Inihayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nakitaan ng peligrosong kemikal na synthetic cannabinoid ang sigarilyong tinatawag na “tuklaw” na hinithit ng ilang kalalakihan sa Palawan at Taguig, na nahuli-cam na nangisay.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ni PDEA Spokesperson Atty. Joseph Calulut, na ang pagkakatuklas sa naturang kemikal sa tuklaw ay lumitaw sa paunang resulta ng pagsusuri na ginawa sa sigarilyo.
BASAHIN: Menor de edad, sumigaw at nagwala matapos pahithitin ng ‘tuklaw’ ng 2 lalaki sa Taguig
Ayon sa ulat, ang synthetic cannabinoid at kemikal na nilikha para gayahin ang epekto ng natural na cannabinoid na mula sa marijuana. Ipinagbabawal ito sa ilalim ng Dangerous Drug Act.
Sinabi ni Calulut na ang pangingisay ng mga nakahithit ng tuklaw na nakita sa mga viral video ay epekto umano ng kemikal na may epekto ng epilepsy.
Maaari din umanong makamatay ang synthetic cannabinoid.
Nanggagaling umano ang sigarilyong tuklaw o “thuoc lao” sa isang bansa sa Southeast Asia na sadyang mataas ang nicotine level kumpara sa karaniwang tobacco.
BASAHIN: Itim na sigarilyong ‘tuklaw' na nagpakisay sa 3 lalaki sa Palawan, saan galing at ano ang sangkap?
Ayon kay Calulut, ginagamit sa naturang bansa ang nasabing tobacco para sa tradisyonal na paraan, at may sistema sa tamang paggamit pero hindi bilang isang karaniwang sigarilyo na basta hinihithit.
Hinihintay ng PDEA ang buong resulta ng ginawang pagsusuri mula sa isang pribadong laboratoryo bago sila gagawa ng pinal na ulat ipadadala sa Dangerous Drug Board na siyang maglalabas naman ng regulasyon tungkol sa naturang kemikal. –FRJ GMA Integrated News

