Lumilitaw na hindi pagnanakaw ang pangunahing motibo sa ginawang pagpatay sa dalawang Japanese national na binaril kamakailan sa Maynila. Inihayag ito ng opisyal ng Manila Police District Station 5 matapos madakip ang ikalawang suspek sa krimen na nagsilbing “tour guide” ng mga biktima.
Iprinesenta ni Manila Mayor Isko Moreno ngayong Martes, kasama si Police Colonel Alfonso Saligumba, hepe ng MPD Station 5, ang magkapatid na suspek na sina Abel at Albert Manabat, kaugnay sa nangyaring pagpatay sa dalawang turistang Hapon.
Si Abel umano ang naging tour guide ng mga biktima, habang si Albert ang itinuturong bumaril sa dalawang dayuhan matapos palabasin mula sa taxi sa tapat ng isang hotel sa Malate, Manila, noong Biyenes ng gabi.
Patuloy namang hinahanap ang isa pa nilang kasamahan na kumuha sa mga gamit ng mga biktima matapos barilin kaya kasama sa ikinunsidera sa krimen noong una ang anggulong pagnanakaw.
BASAHIN: Japanese ang 2 dayuhan na binaril at pinatay sa kalye sa Maynila; 1 suspek, nadakip na
Ayon kay Saligumba, batay sa mga pahayag na ibinigay ng mga suspek, kinontrata sila sa halagang P9 milyon ng isa ring Hapon para itumba ang mga biktima.
Napag-usapan na umano ang gagawing paglikida sa mga biktima bago pa man dumating ang dalawa sa Pilipinas. Madalas umanong magtungo sa bansa ang dalawa para maglaro sa casino.
Gayunman, tumanggi si Saligumba na magbigay ng iba pang detalye tungkol sa kaso dahil patuloy pa ang pagbuo sa kaso upang mahuli pa ang ibang sangkot sa krimen.
Sa ipinangako umanong P9 milyon na kontrata para itumba ang mga biktima, sinabi ni Saligumba na inihayag ng mga suspek na P10,000 pa lang umano ang natatanggap ng mga ito bilang paunang bayad.
Sinabi pa ni Saligumba na nasa Japan ang kausap ng isang suspek na dati na nitong kakilala, at ipinagmamaneho kapag nasa Pilipinas.
Mga suspek sa pagpatay sa dalawang Japanese sa Malate, Maynila, umamin na kinontrata sila ng sinasabing "boss" sa Japan para patayin ang dalawang biktima sa halagang ?9-M — MPD Station 5 | via @dzbbsamnielsen pic.twitter.com/GsNW89ajmw
— DZBB Super Radyo (@dzbb) August 19, 2025
Inutusan umano ng suspek na Japanese ang isa sa mga suspek na Pinoy na sunduin ang mga biktima na darating sa Pilipinas at planuhin ang gagawing pagpatay.
Kaya naman bago pa umano mangyari ang krimen, nakita sa CCTV footage na may lugar na pinuntahan ng mga biktima ang nauna nang pinuntahan ng isa sa mga suspek para gagawing pagtumba sa dalawang dayuhan.
Nang tanungin kung ano ang posibleng motibo para ipapatay ng itinuturing mastermind na Japanese ang dalawa nitong kababayan, sinabi ni Saligumba na patuloy pa ang kanilang imbestigasyon pero maaaring umanong may kaugnayan sa “onsehan.”
Samantala, pinuri ni Mayor Isko ang kapulisan sa mabilis na paglutas at pag-aresto sa mga suspek habang patuloy pa ang imbestigasyon.
Bagaman ikinalulungkot niya ang nangyari na aminado siyang maaaring magdulot ng takot sa ibang dayuhan na nagnanais magtayo ng negosyo o pumunta sa Maynila o Pilipinas, sinabi ni alkalde ang kahalagahan na madakip ang mga nasa likod ng krimen.
“Nalulungkot kami na mayroon pa ring sumusubok sa Maynila, but we guarantee you that no matter what happens, we will never rest until justice is served,” ani Moreno.
Sa kaniya ring post sa Facebook, sinabi ng alkalde na “tatalupan” niya ang buong Pilipinas para mahanap at mapanagot ang mga gagawa ng krimen sa Maynila.
“As we have promised the people of Manila, we may not be able to stop all crimes at the very moment they happen, but we will make sure justice is served. Out of the three initial suspects, we have apprehended two of the major participants in the crime,” dagdag niya. – FRJ GMA Integrated News

