Buwis-buhay ang isang traffic enforcer sa pagtupad sa kaniyang tungkulin matapos siyang sumampa sa hood ng sinita niyang kotse na nagpatuloy sa pag-andar hanggang sa makarating sila sa bahay ng driver sa Kawit, Cavite. Ang driver ng kotse, babae at kasama ang nanay sa sasakyan.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood ang mga video footage na makikita ang mabilis na pagtakbo ng kotse habang nakasampa ang traffic enforcer sa hood, na naganap noong Lunes ng hapon.

Nahanap ng GMA Integrated News ang traffic enforcer na kinilalang si Michael Trajico, na sinabing pinara niya ang kotse dahil may nakagitgitan umano itong motorsiklo. Pero hindi raw siya pinansin ng driver at umarangkada pa rin.

“May isang motor na tumawag, may nasagi na raw ‘yun. Kaya naman kami bilang isang enforcer, ginampanan namin ang aming trabaho. Sinundan namin 'yung sasakyan. Nu’ng tangkang harangin namin siya, umaabante pa rin siya. Ako 'yung nasa harapan. Kaya maipit ang paa ako, tumalon na ako sa sasakyan,” sabi ni Trajico.

Patuloy pa rin sa pag-andar ang babaeng driver kahit nasa hood si Trajico. Batay sa kaniyang tantiya, 10 hanggang 15 minuto siyang nakasampa sa kotse, na mistulang eksena sa pelikula.

Ayon pa kay Trajico, kasama ng driver ang ina nito sa kotse, pero hindi rin umano nakinig ang driver sa kaniyang ina. Tumigil lamang ang kotse nang nasa bahay na ang driver sa kalapit na Barangay Wakas II.

Minura pa umano ng driver si Trajico bago ito tuluyang pumasok sa bahay.

“Paglabas niyo ho ng sasakyan, sinabihan niya ako na ‘***, magdemanda ka,” anang traffic enforcer.

Nagsampa na ng reklamong direct assault ang traffic enforcer kaugnay sa insidente.

Saksi ang kasamahan ni Trajico na si Dominador Rieta sa buong pangyayayari, na sinabing dismayado siya dahil tila hindi sila binibigyang halaga bilang mga traffic enforcer.

“Parang minaliit kami. Parang hindi na kami ginalang. Dapat ‘to, kahit kami ganoon, irespeto rin naman kami,” sabi ni Rieta.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kuhanan ng pahayag ang suspek habang tumanggi munang magbigay ng pahayag ang pulisya. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News