Natagpuan na at nasa maayos nang kalagayan ang dalawang Overseas Filipino Workers (OFWs) na halos dalawang linggong hinanap ng mga awtoridad, ayon sa Konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong nitong Biyernes.

Kinilala ang dalawang OFW na sina Imee Mahilum Pabuaya, 24-anyos, at Aleli Perez Tibay, 33-anyos, na ayon sa mga ulat ay huling nakita sa Lung Mun Country Trail sa Tsuen Wan matapos mag-hiking noong October 4.

Sa isang post sa X (dating Twitter), sinabi ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na dinala ang dalawang OFW sa opisina ng MWO-OWWA sa Hong Kong.

Dagdag niya, nasa ligtas at maayos silang kalagayan bago sila kunin mula sa isang estasyon ng pulisya.

Sinabi ni Cacdac na pauuwiin din sila sa lalong madaling panahon.

Hindi pa naglalabas ng karagdagang detalye ang Konsulado tungkol sa kanilang pagkawala.

Sa isang pahayag ng DMW, sinabi ni Cacdac na binibigyan ng psychosocial counseling at sasailalim sa medical check-up ang dalawa.

Ayon pa sa kalihim, tinanggal na umano sa kanilang trabaho ang dalawa ngunit tinutulungan sila ng DMW sa pagkuha ng kanilang mga gamit at sa pakikipag-ugnayan sa dati nilang employer.

“‘Yun ang sabi nila, ‘yun ang version nila. Kakausapin pa natin sila nang mas detalyado at hihingi tayo ng sinumpaang salaysay,” paliwanag ni Cacdac.

Kung kinakailangan, handa rin ang DMW na asikasuhin ang kanilang agarang repatriation pabalik ng Pilipinas.

Pinaalalahanan ni Cacdac ang mga OFW na maging maingat sa mga outdoor activities at siguraduhing may sapat na koordinasyon at komunikasyon sa mga kakilala o opisina ng gobyerno bago umalis.

“Importante na alam ng ating mga kababayan kung paano makontak ang ating Migrant Workers Office (MWO), Philippine Consulate General, at iba pang hotline sakaling may emergency,” paalala ni Cacdac. – FRJ GMA Integrated News