Muling naging laman ng mga balita at social media ang kabundukan ng Sierra Madre, na tinaguriang “gulugod ng Luzon” dahil sa kakayahan nitong pahinain umano ang tindi ng mga bagyong tumatama sa rehiyon, gaya na lang sa hagupit ng Super Bagyong Uwan.

Nang mag-landfall si Uwan (Fung-wong) sa Luzon noong Linggo ng gabi, ipinakita ng satellite imagery kung paano tila napahina ng Sierra Madre ang mata ng bagyo, isang paalala sa mga tao kung gaano kahalaga ang kabundukan bilang natural na panangga laban sa bagyo.

Ngayong Lunes, Nobyembre 10, iniulat na may lima nang nasawi at 1.4 milyong tao o 426,000 pamilya ang lumikas dahil sa bagyo. Nagdulot din ang super typhoon ng pinsala sa imprastraktura, pagkawala ng kuryente, at epekto sa agrikultura at mga alagang hayop sa ilang lugar.

Ayon sa PAGASA, nag-landfall ang bagyo sa Dinalungan, Aurora bandang 9:10 p.m. noong Linggo.

Pagkatapos ng landfall, sinabi ng state weather bureau na tatawirin ni Uwan ang mabundok na bahagi ng Hilagang Luzon at lalabas sa Lingayen Gulf o sa mga baybaying dagat ng La Union o Ilocos Sur, kung saan ang pagdaan ng bagyo sa kabundukan ay magiging sanhi ng paghina nito.

Pagsapit ng Lunes ng umaga, humina na si Uwan at bumaba sa typhoon category, dahilan upang magpasalamat ang mga Pilipino sa Sierra Madre—ang pinakamahabang hanay ng kabundukan sa bansa.

Ngunit bakit nga ba tinatawag na “gulugod” ng Luzon ang Sierra Madre?

Ang kabundukan ng Sierra Madre ay may haba na humigit-kumulang 540 kilometro, na umaabot sa silangang bahagi ng Luzon mula Cagayan hanggang Quezon. Sa hilagang bahagi nito matatagpuan ang Northern Sierra Madre Natural Park, na siyang pinakamalaking protektadong lugar sa buong Pilipinas.

Kung titingnan sa mapa, ang Sierra Madre ay tila gulugod o spine ng tao, at higit pa rito, tinatawag itong gulugod ng Luzon dahil sa natural itong nagsisilbing harang laban sa mga bagyong tumatama sa hilagang-silangang bahagi ng bansa.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang Sierra Madre ay itinuturing na “kalasag” ng bansa dahil sa “tempers the force of typhoons, secures water for communities, and shelters rich biodiversity.”

.Kinilala rin ng Department of Science and Technology (DOST) ang kakayahan ng Sierra Madre na pahinain o pabagalin ang ihip ng hangin na dala ng mga bagyo, lalo na sa hilagang-silangang bahagi ng bansa.

Gayunman, binigyang-diin ng DOST na hindi ganap na proteksiyon ang naibibigay ng kabundukan laban sa matitinding bagyo, lalo na sa mga super typhoon.

Ibinahagi ng DOST sa kanilang social media ang isang pag-aaral nina Dr. Gerry Bagtasa at Dr. Bernard Alan Racoma noong 2023, na nagpapaliwanag ng mga epekto ng Sierra Madre sa paghina ng bagyo at mga paraan ng konserbasyon nito.

Ipinakita ng pag-aaral na epektibong harang ang Sierra Madre sa Cagayan Valley dahil pinapababa nito ang lakas ng hangin at dami ng ulan sa rehiyon. Gayunman, nananatiling delikado ang rehiyon sa matitinding bagyo.

Samantala, para sa mga lugar tulad ng Metro Manila, napansin sa pag-aaral na ang 25% hanggang 55% na pagtaas sa ulan na dulot ng mga dalisdis ng Sierra Madre ay maaaring bumawi sa 3% hanggang 8% na pagbaba ng lakas ng hangin.

Ngunit bukod sa Sierra Madre, mahalaga ring tandaan na ang kooperasyon ng mga komunidad at maagang paglikas ay nakatulong nang malaki sa pagsalba ng mga buhay sa tuwing may bagyo.

Pinuri mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ginawang preemptive evacuation ng mga lokal na pamahalaan sa mga lugar na dinaanan ni Super Typhoon Uwan, at tinawag itong isang “difference-maker.”

Inaasahan namang lalabas na si Uwan sa Philippine Area of Responsibility (PAR) pagsapit ng Lunes ng gabi o Martes ng umaga, ngunit maaaring muling pumasok muli sa PAR sa Miyerkules ng gabi, habang papunta sa Taiwan at Ryukyu Islands, bago tuluyang humina at maging remnant low pagsapit ng Biyernes. -- Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News