Isang patay na juvenile reef shark ang nakitang palutang-lutang sa karagatan ng Sta. Cruz Island sa Zamboanga City nitong Miyerkoles ng umaga. Ang naturang pating, may nakasaklob na diaper sa mukha.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, inihayag ni Harvey Yap, na nag-upload ng video sa online sa naturang insidente, napansin niya ang patay na pating habang dumadaan sila sa lugar sakay ng bangka papunta sa Sta. Cruz Island.
Hindi na raw niya nakuha ang pating dahil sa malalakas na alon.
Hinihinala na ang diaper ang dahilan kaya namatay ang pating.
Sa 15 taon niyang pagsisid sa lugar, sinabi ni Yap na ito ang unang pagkakataon na nakakita siya ng patay na reef shark.
Nag-aalala rin si Yap tungkol sa polusyon sa dagat gaya ng mga plastic at lubid na nakapipinsala sa coral reef, na tirahan ng mga reef shark.
Sinusubukan pa ng GMA Regional TV One Mindanao na makuhanan ng pahayag ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) tungkol sa usapin. – FRJ GMA Integrated News
