Umabot na sa 14 na tao ang nasawi at hindi pa matiyak na bilang nang mga posibleng na-trap matapos na lamunin ng apoy ang ilang high-rise tower ng isang residential complex sa Tai Po district sa hilagang bahagi ng Hong Kong nitong Miyerkules.
Patuloy ang pagsisikap ng mga bumbero na apulahin ang apoy sa 31-palapag na mga gusali habang papalubog ang araw.
May humigit-kumulang 2,000 residential apartments sa Wang Fuk Court housing complex kung saan nagsimula ang sunog. Sinabi ng Fire Services Department sa Reuters na wala pa silang datos kung ilan ang posibleng naiwan sa loob ng mga gusali.
Ang residente na si Wong, 71, sinasabing na-trap ang kaniyang asawa sa isa sa mga gusali.
Tatlong tao ang nasa kritikal na kondisyon dahil sa tinamong mga paso, at isa naman ang nasa seryosong kondisyon, ayon sa pamahalaan. May mga nasugatan rin kabilang ang mga kawani ng fire services.
Ilan sa mga natutupok na gusali ay may bamboo scaffolding dahil nire-renovate ang ilang unit, ayon sa local media.
Isa lang ang Wang Fuk Court sa napakaraming high-rise housing complex sa Hong Kong, isa sa pinakamataong lugar sa buong mundo. Ang Tai Po, na malapit sa hangganan ng mainland China, ay isang established na suburban district na may populasyon na humigit-kumulang 300,000.
Bahagi ang complex ng subsidized home ownership scheme ng pamahalaan. Nagsimula itong okupahan noong 1983, ayon sa mga property agency website.
Ayon sa fire department, nakatanggap sila ng ulat dakong 2:51 p.m. (0651 GMT) tungkol sa sunog sa Wang Fuk Court. Pagsapit ng 6:22pm, iniakyat sa pinakamataas na No. 5 alarma ang sunog.
Sa ulat ng GMA News Saksi, sinabing pitong matataas na gusali ang nasusunog.
Ayon sa fire department, naging mabilis ang pagkalat ng apoy dahil sa malakas na hangin.
Bukod sa mga nasawi, nasa 16 na ang nasugatan, at hindi pa mabatid kung ilan ang na-trap o nakulong sa mga gusali.
Samantala, wala pang impormasyon kung may mga overseas Filipino workers na naapektuhan ng sunog.— mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News
