Napurnada ang plano ng isang babaeng tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) na magpuslit sa loob ng kulungan ng pandesal na may kasamang shabu. Ang suspek kasi kahit nakauniporme, hindi nakalusot sa kaniyang mga “kabaro.”

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabing nabisto ng mga bantay ng BuCor ang isang sachet na hinihinalang shabu ang laman na nakapalaman sa isang pandesal, at isa pang sachet na may laman din na hinihinalang shabu na nasa ilalim ng mga tinapay.

Naharang ang kontrabando sa Gate 1 ng maximum security compound ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.

“Pero siyempre kahit magkakabaro ‘yan, ininspect talaga thoroughly. So nung na-inspect, ‘yun pala, may nakatago sa pandesal na mga droga,” ayon kay BuCor director general Gregorio Catapang.

Sa ginawang follow-up operation ng BuCor, may nadiskubre silang 33 pakete ng hinihinalang shabu sa isang nakakulong o person deprived of liberty (PDL) sa isang dormitory ng maximum security compound. 

Napag-alaman sa imbestigasyon na madalas umanong bumisita ang nahuling babaeng tauhan ng BuCor sa isang PDL habang naka-confine ang huli sa BuCor Hospital. 

“Duda namin, sila ang nagkakakuntsabahan para magpuslit ng mga droga sa loob. Kaya pati yung PDL iimbestigahan din, dahil makakasuhan na naman siya ng anti-drug trafficking, lalo siyang makukulong ng mahabang panahon,” ani Catapang. 

Wala pang pahayag ang nahuling tauhan ng BuCor at ang PDL, ayon sa ulat.

Mahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act. 

Sinabi rin ni Catapang na isasailalim sa proseso ang naarestong tauhan ng BuCor para maalis sa puwesto.—FRJ GMA Integrated News