Kahit nagkamali dahil baliktad ang pagkakatahi sa nguso, pumatok pa rin sa netizens at maging sa ilang namimili sa China ang stuffed toy na “crying horse,” sa halip na smiling horse na pangdekorasyon sa kanilang selebrasyon ng Year of the Horse.
Ayon sa ulat ng Reuters, nakangiti ang orihinal na disenyo ng laruan bilang dekorasyon para sa Bagong Taon. Gayunman, ang guhit na paitaas na nagsisilbing bibig ng laruan na nakangiti, baliktad na nailagay kaya nagmukhang malungkot.
Maging ang dapat sana’y ilong, napunta sa baba.
“A worker sewed the mouth on upside down by accident,” ayon kay Zhang Huoqing, may-ari Yiwu-based shop na Happy Sister.
Ayon kay Zhang, nag-alok siya ng refund sa nakabili "crying horse" matapos na mapansin na baliktad ang labi ng laruan. Pero hindi umano bumalik ang nakabili hanggang sa makita na niya ang mga larawan ng laruan online.
“People joked that the crying horse is how you look at work, while the smiling one is how you look after work,” ani Zhang.
Dahil dumami rin ang naghahanap ng “crying horse” na laruan, ipinagpatuloy na nila ang paggawa nito. – mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News

