Sa gitna ng pagdiriwang ng Sinulog Festival sa Cebu kamakailan, marami ang nagreklamo na nawalan ng cellphone o smartphone. Kalaunan, nakadiskubre ang pulisya ng tatlong bag na may laman na mga cellphone na mahigit 100 sa isang shop na kanilang sinalakay. Nakaw nga ba ang mga cellphone at may organisadong grupo kaya sa likod nito? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ng modelo at male pageant titleholder na si Kenneth Cabungcal na bandang 4 a.m. ng Enero 19 na may humarang sa kaniyang grupo na inakala niyang kakilala niya, at nagpa-picture sa kaniya.

Makalipas lamang ang tatlo hanggang limang minuto, hindi na niya namalayan na wala na pala ang kaniyang phone.

Kinabukasan, sinubukan niyang gamitin ang device tracking feature ng kaniyang cellphone para malaman ang kinaroroonan nito gamit ang GPS o Global Positioning System.

Nakita niyang nasa Quezon Boulevard ito sa Cebu. Hanggang sa bumiyahe ito papuntang Samar, at nakarating na ng Pasay at Malate. Nag-notify na lamang ang cellphone na nasa isang mall na ito sa siyudad ng San Juan.

Nanakawan din si Melvin Torrefiel ng kaniyang cellphone, na kaniyang ibinulsa noon sa likod. Kalaunan, may nabanggang tao si Melvin at naramdaman niyang may pumuntirya na sa kaniyang smartphone.

Agad nilang iniulat ang insidente sa pulis, at ginamit ang device tracking feature ng kanilang cellphone.

Ayon kay Lieutenant Colonel Jose Los Baños ng Cebu City Police, natuklasang nasa Leon Kilat ang kanilang cellphone sa Cebu City, kung saan matatagpuan ang hile-hilerang mga tindahan, pati na repair shop ng mga cellphone.

Naabutan ng pulisya ang nagpakilalang may-ari ng shop, at hinalughog nila ang lugar.

Pagkaukas sa isang kuwarto, doon na tumambad ang tatlong bag na naglalaman ng mga cellphone.

Umabot sa humigit kumulang 150 ang cellphone unit na kanilang narekober mula sa tatlong bag.

Nasa kustodiya na ng PNP ang may-ari ng shop, at dinala ang mga cellphone presinto kung saan nagpunta ang mga nawalan ng cellphone.

Nabawi rin ni Melvin ang nanakaw niyang cellphone habang ang ilan sa mga nadukutan, nagtungo sa tanggapan ng PNP at binigyan ng pagkakataon na mabusisi ang mga cellphone.

Ang estudyanteng si Dave Wilfred Cerena na nasalisihan diin noong kasagsagan ng Sinulog, nahanap din ang kaniyang cellphone sa presinto. Pero hiningian siya ng kaniyang IMEI o International Mobile Equipment Identity dahil na-reformat na ang kaniyang cellphone.

Bagaman hindi niya nila alam ang OMEI, napatunayan ng mga pulis na sa kaniya ang cellphone gamit ang kaniyang SIM card na tinawagan.

Pero paglilinaw ng pulisya, nalaman nila na hindi lahat ng cellphone na kanilang na-recover ay dinukot.

“'Yung iba na natanong din namin, napag-iwanan sa may bar o nahulog. 'Yung iba last year pa, December pa. Siyempre, 'yung makakita, 'yung nakapulot, hindi man niya mapakinabangan ‘yun kasi mayroong PIN. So, naghahanap siya ng paraan kung paano niya mapakinabangan,” sabi ni Los Baños.

Kasabay ng paghahanda sa isasampang kaso laban sa suspek, inihayag ng kapulisin na patuloy din ang kanilang imbestigasyon para alamin kung may organisadong grupo sa likod ng nangyaring pandurukot ng mga cellphone. – FRJ GMA Integrated News