Sa pagsali niya sa isang dance contest na inter-barangay, hindi inakala ni Aira Bermudez na mapapabilang siya sa Sexbomb Girls, na magiging daan para siya makatulong sa pamilya. Ang unang sahod niya bilang miyembro ng sikat na dance group, P150-P200 per “salang.”

Sa kaniyang guesting “i-Listen with Kara David,” ibinahagi ni Aira na nagsimula siya noon sa mga dance competition ng mga interbarangay noong edad 11 o 12 pa lamang siya.

Kasama pa niya noon ang kaniyang gay friends, at siya ang “inaalarma” o iniitsa sa ere.

“Tapos, nakakatawa ‘yung simpleng kita mo nanalo ka ng P150. Diretso namin nu’ng mama ko noon, tapsilugan. Kumakain kami together. ‘Yung extra bibigay ko pangkain namin. Dumadayo kami ng iba-ibang barangay para lang makasali at kumita,” kuwento niya.

Bukod dito, nananalo rin si Aira bilang “Face of the Night” at nananalo ang kaniyang grupo bilang “best group.”

“Parang ‘yun ‘yung naging start. ‘Ay, parang ito ‘yung calling ko.’ Ang saya. Sayaw lang ako ng sayaw. Tapos, kakasayaw lang namin, kaka-join lang namin ng contest nakaabot na ako ng ibang channel, sumasayaw na ako doon. Nag-contest na ako. Parang, ay, ibang level na ito,” kuwento niya.

Hanggang sa madiskubre siya ni Joy Cancio sa isang interbarangay noong 15-anyos na pa lamang siya.

“Sa interbarangay ng Paranaque. Nag-join kami. Ate Joy was one of the judges. And then, si Ms. Joy noon nakita niya ako. Second place kami noon. Tapos, si Kuya JV nakasama niyo noon. Tinuturo ako, ‘Puwede ‘yun, puwede 'yun.”

“Tinawag niya ako [ni Joy]. Sabi niya, ‘Halika,’ tapos, lumapit ako. ‘Gusto mo mag-SexBomb? ‘Ano po ‘yun?’ sabi ko,” kuwento ni Aira.

Ayon kay Aira, hindi pa niya kilala noon ang SexBomb dahil bago pa lamang ito at tinatawag din na “Chicken Sandwich Dancers.”

Kalaunan, pinag-audition na siya sa studio.

“Si Ate Joy, since wala pa siya nu’n sa studio, pinag-audition pa nga ako nu'ng assistant niya. Nakita nila, ‘Ay, ang easy nu'ng sayo.’ Kumbaga, ang bilis kong i-pick up 'yung sayaw. Siguro, simula bata talaga ako, 'yung pick up ko, parang naa-absorb ko agad siya,” ayon kay Aira.

Nang pinagdala na si Aira ng stockings at boots, sinabi niyang wala siya ng mga naturang gamit at sinabihan siya ni Joy na, “Ako na ang bahala.”

“Si Ate Joy, doon unang nagpasukan ‘yung original Sexbomb. Wow, talagang na-amaze ako. Kasi pasok si Kikay (Baquiran), siya 'yung leader ng Sexbomb dati. Si Pepay, huling-huling si Rochelle (Pangilinan). ‘Ay sila pala 'yun.’ Nakatingin lang ako,” kuwento ni Aira.

“‘Uy, may bago tayo.’ Nilapitan ako, sumasayaw, para ka lang nene, parang pinabili ka lang ng suka ng nanay mo,” paglalarawan ni Aira sa sarili na magsi-16 pa lang noon.

Ayon kay Aira, P150 hanggang P200 ang bayad sa kaniya kada salang, na malaking halaga noong panahon na iyon.

“Nakatikim ako ng unang suweldo, pinakita ko sa mama ko, ‘Mama, may sinusuweldo na ako. Tingnan mo.’ Alam mo, 'yung sobrang excitement namin. Kaya du’n ako nag-start na parang, Wow! Galing!” sabi niya.

“So hindi ko pa na-feel na parang 'yun pala 'yung ganun ako magiging kagaling sumayaw. Pero si Joy Cancio po talaga ang nag-open ang door parang gumaling talaga ako. At masabi ko sa sarili ko na ito talaga 'yung career ko sa buhay ko,” sabi pa niya.

Tunghayan sa video ang buong panayam kay Aira kung saan binalikan din ang mahirap niyang buhay noon sa Tondo. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News