Inihambing ni Senador Robinhood Padilla noong Miyerkules ang kabataan ngayon sa kaniyang henerasyon, at sinabing “weak” o mahina ang kasalukuyang henerasyon at lantad sa mental health issues dahil sa social media.

Ginawa ni Padilla ang pahayag sa pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, na kaniyang pinamumunuan, habang tinatalakay ang panukalang Children’s Safety in Social Media Act.

“Ang mga bata po ngayon, sad to say, ‘wag kayo magagalit sa akin. Naku, maraming batang magagalit siguro pero pasensya na kayo—you are weak,” anang senador.

“Hindi kayo katulad noong panahon namin na hindi kami iyakin. Natuto kami… natuto kami sa kalsada, natuto kami na ‘wag umupo at umiyak,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Padilla na hindi “uso” sa kaniyang panahon ang salitang “depression.”

“Noong panahon namin, hindi uso ‘yung salitang depression. Hindi ko nga alam kung ano ‘yung depression. Ngayon, batang maliit sasabihin, ‘I’m depressed.’ Magulo eh,” patuloy niya.

Ayon kay Padilla, marami sa mga kabataan ngayon ang nalululong sa social media at hindi na lumalabas upang maglaro at makipagkaibigan.

Binigyang-diin niya na ito ang pangangailangan ng batas para ma-regulate ang paggamit ng social media, lalo na sa mga menor de edad.

“Isipin po natin ang mga bata, ang future nila, ang kinabukasan ng mga batang Pilipino. Ang idudulog ko po sa inyo kung ano ang nawawala sa mga bata kapag masyado na sila sa social media—unang una na ‘yung kabataan nila” ayon sa senador. — Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News