Ibinahagi ng dancer at aktor na si Kenneth Medrano ang mabigat niyang pinagdadaanan sa buhay ngayon matapos na ma-diagnosed na mayroon siyang testicular cancer.
"To be honest, hindi po ako okay ngayon. Kahit mukhang masaya ako sa lahat ng posts ko, sobrang bigat po ng pinagdadaanan ko," saad niya sa Instagram post na ibinahagi rin niya ang mga larawan sa resulta ng ultrasound na ginawa sa kaniya.
"I was recently diagnosed with testicular cancer (right testicle), and I need to undergo urgent surgery next week to prevent it from spreading," dagdag niya.
Batay sa Mayo Clinic, ang testicular cancer ay isang uri ng kanser na nabubuo sa mga tissue ng isa o parehong testicles. Kabilang sa mga sintomas nito ang bukol o pamamaga sa alinman sa mga testicle, biglaang pamamaga o pakiramdam ng kabigatan sa scrotum, pananakit sa ibabang bahagi ng tiyan o singit, hindi komportableng pakiramdam o pananakit sa alinman sa mga testicle, pananakit ng likod, at paglaki o pananakit ng dibdib. Mataas ang posibilidad ng paggaling sa testicular cancer, at kabilang sa mga gamutan nito ang operasyon at chemotherapy.
Ayon kay Kenneth, aabot umano sa tinatayang P250,000 ang kabuuang gastusin niya sa ospital na aminado siyang hindi niya kayang sagutin na mag-isa.
"Nakakahiya ito but gusto ko pa makita ang mga apo ko. Sa mga mabubuting puso, humbly asking for any financial help," patuloy niya. "Any amount will be a big help for my surgery and recovery. Parang gumuho ang mundo ko!"
Humiling din siya ng mga panalangin mula sa publiko at tinapos ang kaniyang post sa pamamagitan ng pasasalamat sa kaniyang mga tagasuporta para sa kanilang kabutihan at tulong.
Ibinahagi rin niya sa kanyang post ang detalye ng kaniyang mga bank account at GCash account para sa mga nais tumulong.
Nanalo si Kenneth sa “That’s My Bae: Twerk It” dance contest ng isang noontime show noong 2015, at kalaunan ay naging miyembro ng all-male dance group na “That’s My Bae.”
Isa rin siya sa mga bida ng “Trops,” ang romcom series ng GMA na umere mula 2016 hanggang 2017.
– FRJ GMA Integrated News
