Hiniling ng beauty queen-actress na si Michelle Dee sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang mga post na ginawa ni Xian Gaza at iba pang Facebook pages tungkol sa kaniya.

Sa kaniyang affidavit, hiniling ni Dee sa NBI na siyasatin ang isyu at tulungan siyang magsampa ng kasong kriminal na cyber-libel laban kay Gaza.

“Maraming lumabas na mga fake news sa Facebook katulad na tumakas daw si Michelle at mga defamatory accusations,” saad ng abogado ni Dee na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, sa GMA News Online nitong Lunes.

“Michelle will not tolerate this so she sought the help of the NBI regarding this. She wants to show the public also that she will never run from this investigation as all the allegations of Totoy are all fabrications,” dagdag niya.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi rin ni  Abraham-Garduque na halos araw-araw na may lumalabas na maling impormasyon tungkol kay Dee.

"Napakarami na po, halos araw-araw may mga lumalabas na mga maling impormasyon tungkol po kay Michelle. In fact meron pong isa pa dun na nasa ibang bansa daw siya at tumakas, so here. She's here, kita niyo naman never po siya umalis ng bansa," ayon kay Abraham-Garduque.

Sinabi naman ni Dee na pinaghirapan niyang buuin ang kaniyang karera at nakasasakit para sa kaniya ang kontrobersiya.

"I've built my whole career out of blood, sweat, and tears, so of course, to be the subject of scrutiny, it's not the first time, of course, pero siyempre nakakasakit kasi sometimes people with scandals like this, they forget what you've done for your career and the hard work you've put," paliwanag niya.

"Everyone is open to their own opinions, I respect all opinions, I respect constructive criticism, but there is a line that is crossed in terms of defamation and intentionally trying to take your career out of your hands," dagdag ni Dee.

Nang tanungin kung kumusta siya, sinabi ni Dee na mas maayos na ang kaniyang kalagayan at may tiwala siya sa sistema ng hustisya.

"Well, of course, I'm human, I've been better, pero may tiwala naman po ako sa sistema natin tapos alam ko rin po na lalabas ang katotohanan. Do I feel worried? I know I'm on the right side of this," ani Dee.

Una rito, naghain ng reklamo sa NBI ng isang lalaking nagpakilalang driver at personal assistant ng aktres na si Rhian Ramos laban kina Ramos, Dee, at iba pa.

Ayon kay “Totoy,” sapilitan umano siyang dinala sa condo unit nina Ramos at Dee noong Enero 17, at doon ay pinapaamin umano siya na ninakaw niya ang isang angpao na naglalaman ng sensitibong mga larawan mula sa unit.

Ayon kay Abraham-Garduque, nagtanong din si Dee sa NBI tungkol sa estado ng reklamo, at tiniyak umano ng aktres na makikipagtulungan siya sa ahensiya sa isinasagawang imbestigasyon.

Paglilihis ng isyu?

Sa isang post sa kanyang Facebook account, inilarawan ni Gaza ang paghahain ng reklamo ni Dee bilang “good move, very strategic.”

Aniya, ginawa ito upang ilihis ang isyu.

"Kailangan nila ako ngayong kasuhan for damage control. At the same time, 'yung mga journalists, news agencies, and content creators na magpo-post sa kanya in the future ay mangingilag na. That's the clear message for everyone. To save her name and career. I fully understand the bigger picture. In Tagalog, nauunawaan ko si Michelle Dee. Happy to help," ani Gaza.— Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News