Malungkot ang naging wakas sa paghahanap sa nawawalang biyuda sa Angeles City, Pampanga. Nitong Lunes ng hapon, nakita ang kaniyang bangkay sa isang hukay sa bakuran ng kaniyang bahay.

Ayon kay GMA Integrated News reporter James Agustin, natagpuan ang bangkay ni Maria Teresa “Tess” Mamac, biyuda ng dating kapitan ng Barangay Balibago sa Angeles City, batay sa impormasyon mula kay Police Col. Joselito Villarosa, Jr., City Director ng Angeles City Police Office.

Apat na araw nang nawawala ang ginang.

Nakabaon umano ang katawan ng biktima sa isang kahina-hinalang hukay na may lalim na humigit-kumulang limang talampakan na nakita sa gilid ng piggery dakong 5:00 pm nitong Lunes.

Inabot nang mahigit na apat na oras sa paghuhukay ang SOCO bago tuluyang nakuha ang bangkay ni Mamac. 

“Nung atin itong tiningnan ay lumabas 'yung paa ng biktima. Nagpatawag na tayo ng SOCO at ipinorocess na ito ng SOCO hanggang sa ito ay mahukay at maiahon doon sa libingan. Positibo nga kinilala ng kanyang mga kamag-anak at mga anak ang biktima,” ayon kay Villarosa.

Dagdag niya, sa lalim ng ginawang hukay ay posibleng nakahanda na raw ito bago pa isinagawa ng suspek ang krimen.

“Base sa aming imbestigasyon ito ay pinaghandaan sapagkat hindi kayang gawin ito ng ganong kabilis lang,” ani Villarosa. 

Kaninang madaling araw, isinailalim na sa autopsy ang bangkay ng biktima para matukoy ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Ayon sa source ng GMA Integrated News, nakitaan ng sugat sa ulo ang biktima na posible raw mula sa matigas na bagay. 

Hinihintay pa ang resulta ng autopsy.

Samantala, patuloy na hinahanap ng pulisya ang driver ng pamilya Mamac na itinuturing na person of interest sa kaso. Mahigit 20 taon na sa serbisyo sa pamilya ang driver. Hindi pa malinaw sa ngayon ang motibo sa pamamaslang.

“Base sa mga testigo siya 'yung huling nakitang kasama at siya yung huling nakitang nagmaneho nung sasakyan,” ani Villarosa. 

Nagkasa ng manhunt operation ang pulisya para matunton ang driver. 

Sa isang ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing dakong 7:30 pm noong Pebrero 12 nang may madinig na tila sigaw ng babae sa CCTV footage sa loob ng bahay ng mga Mamac.

Ayon sa pamilya, ganoong oras din nang huling nakita ang driver nila na kasalukuyan pang hinahanap.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nakitang umalis ng bahay ang puting sasakyan ng noong ding gabi ng Feb 12 at papunta umano sa bayan ng Mabalacat.

Kuwento ng isang anak ng biktima, natagpuan ang sasakyan na inabandona sa plaza ng bayan ng Magalang.

Samantala, may nakita namang mga bakas ng dugo sa pader, washing machine, gripo at wheelbarrow nang suriin ng mga awtoridad ang bahay ng biktima.

May P200,000 pabuya na inilaan sa sino mang makapagtuturo sa kinaroroonan ng biktima.—may dagdag ulat si James Agustin/FRJ GMA Integrated News