Pumanaw na sa edad na 95 ang Hollywood actor na si Robert Duvall, na nagwagi ng Oscar para sa pelikulang Tender Mercies, ayon sa pahayag ng kaniyang asawa sa Facebook post.

"For each of his many roles, Bob gave everything to his characters and to the truth of the human spirit they represented," saad ni Luciana sa post.

Ginampanan ni Duvall ang mga matitinding karakter gaya ni Lieutenant Colonel Bull Meechum sa The Great Santini, at pangunahing tauhan sa Stalin. Gayundin ang mga nakalulungkot na papel sa Tender Mercies at The Apostle, na nagkamit siya ng mga parangal para sa parehong uri ng role.

Si Duvall, anak ng isang admiral ng Navy at ng isang amateur actress, ay lumaki sa Annapolis.

Nang magtapos sa Principia College sa Illinois at maglingkod sa U.S. Army, lumipat siya sa New York City, at doon nakasama niya sa tirahan si Dustin Hoffman, at naging kaibigan si Gene Hackman, na pawang mga nagsisikap pa lang na acting students noon.

Pumanaw si Hackman, 95-anyos din,  at kaniyang asawa noong Pebrero 2025. (BasahinHollywood actor Gene Hackman at kaniyang asawa, nakitang patay sa kanilang bahay)

Matapos magtrabaho sa iba’t ibang palabas sa telebisyon, nag-iwan ng matinding impresyon si Duvall kahit sa maliliit na papel, tulad ng una niyang pagganap sa pelikula bilang misteryosong ermitanyong si Boo Radley sa To Kill a Mockingbird.

Nakuha niya ang papel sa mungkahi ng screenwriter ng pelikula na si Horton Foote, na humanga sa kaniyang pagganap sa isa sa mga dula nito.

Isinulat kalaunan ni Foote ang Tender Mercies, isang pelikula noong 1983 at nagwagi si Duvall ng Academy Award bilang pinakamahusay na aktor sa kaniyang pagganap bilang isang laos na country singer.

Isa marahil sa mga pinakatumatak na papel ni Duvall ay sa epic movie tungkol sa Vietnam war noong 1979 na Apocalypse Now ni Francis Ford Coppola, na ginampanan niya ang surf-obsessed na si Lieutenant Colonel Bill Kilgore.

Nakatanggap si Duvall ng isa sa kaniyang pitong nominasyon sa Academy Award. Isa pa rito ang nominasyon bilang Best Supporting Actor para sa The Godfather ni Coppola, na ginampanan niya si Tom Hagen, tagapayo ng pamilyang Mafia na Corleone.

Lumabas siya sa ikalawang pelikula ng “Godfather,” ngunit tinanggihan niya ang ikatlo dahil itinuring niyang hindi sapat ang inalok na bayad.

Nominado rin siya sa Oscars para sa The Great Santini, The Apostle, A Civil Action at The Judge noong 2014. Sa kabuuan, halos 100 pelikula ang kaniyang nagawa.

Dahil mahusay siya sa pagganap bilang cowboy, nakakuha siya ng mga pagkilala gaya sa mini-series na Broken Trail, True Grit, Lonesome Dove, at iba pa.

Naging paborito niya ang karakter niyang mabait na tagapagpatupad ng batas na si Gus McRae sa “Lonesome Dove.”

"I think I nailed a very specific individual guy who represents something important in our history of the Western movement," sabi ni Duvall sa New York Times. "After that, I felt I could retire, that'd I'd done something."

Nagpatuloy pa ang paggawa niya ng mga pelikula hanggang 2022, kabilang ang The Pale Blue Eye, Hustle at ang court drama film na The Judge, na kasama niya si  Robert Downey Jr. noong 2014.—ulat mula sa Reuters/FRJ GMA Integrated News