Nagbalik sa “Family Feud” ang “It’s Showtime” hosts na pinangunahan nina Vice Ganda at Vhong Navarro, ang magkalabang team.
Kasama ni Vice Ganda sa kaniyang Team James sina Jackie Gonzales, Ryan Bang, at Darren Espanto. Habang kasama ni Vhong Navarro sa kaniyang Team What’s Up Madlang Purple sina Jhong Hilario, Amy Perez, at Cianne Dominguez.
Ang Team James ang unang nakakuha ng 92 points sa first round, habang naka-iskor ng Team What’s Up Madlang Purple ng 82 points sa second round.
Sa third round, naka-steal ng panalo ang Team James at lumobo ang puntos nila sa 236 points.
Sa fourth and final round, nakuha muli ng Team James ang mga tamang sagot at tuluyang umusad sa jackpot round taglay ang 485 points. Habang napako na ang Team What’s Up Madlang Purple sa 82 points.
Sa Fast Money Round, hinayaan ni Vice sina Darren at Jackie ang maglaro para ma-enjoy lalo ang naturang jackpot round kung saan puwede silang manalo ng P200,000 kung nakakakuha sila ng 200 points.
Sa unang salang pa lang ni Jackie, nakaipon na siya ng 152 points kaya 48 points na lang ang kailangan ni Darren, na kaniya pang nahigitan nang umabot sa 222 ang nakamit nilang puntos.
Pinili naman ng grupo ni Vice ang Angat Buhay foundation na pagbibigyan nila ng donasyon.
March 2024 nang unang sumalang sa game show ang "It's Showtime" hosts sa “Family Feud.” Naglaro sa naturang viral episode sina Vice, Jhong, Amy, at Vhong, kasama sina Anne Curtis, Jugs Jugueta, Ogie Alcasid, at Teddy Corpuz. —Nika Roque/FRJ GMA Integrated News
