Dalawang maliit na isla sa Laguna de Bay sa Rizal ang ginawang “tapunan” ng mga dating alagang aso. Sa isang isla palang na malapit sa Talim Island, 25 aso at isang pusa na walang makain ang nasagip.
Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, sumama ang award-winning Kapuso broadcast journalist sa isinagawang rescue operation, na kinabibilangan ng isang animal welfare group, local authorities, at mag-asawang residente na nakakita sa kahabag-habag na kalagayan ng mga aso na kanilang pinakain.
Ayon sa mga rescuer, hindi naging madali ang paghuli sa mga aso. Marami sa kanila ang malnourished o kulang sa nutrisyon, ngunit sapat pa rin ang lakas upang makatakas. Ang ilan sa mga aso ay kinailangang hulihin gamit ang tali, lambat, at mga carrier.
Unang nadiskubre ng mag-asawang sina Lyndon at Kaye ang mga aso, at ilang buwan nilang pinapakain ang mga hayop sa mga isla.
"Naaawa po ako sa kanila kasi hindi po namin sigurado kung ano pong kahihinatnan ng buhay nila doon sa pupuntahan nila," ani Kaye.
Nakita ng mag-asawa na sobrang payat na ang mga hayop at nag-aagawan sa mga tirang isda o ibang pagkaing inaanod sa pampang. Sa ilang kaso, may mga namamatay na umano dahil sa gutom.
Una nilang nakita ang walong aso sa isang maliit na isla na tinatawag nilang Pulo ni Don Silverio noong Hulyo ng nakaraang taon. Nang puntahan nila ang Pulong Malaki, isa pang kalapit na isla, nagulat sila nang makita ang humigit-kumulang 40 pang aso.
"Tingin ko nu'ng una, mga tatlo, apat na aso lang 'yung aso d'yan. Hindi ko akalain mas marami pala du'n," sabi ni Lyndon.
Hinihinala ng mga rescuer na sinadyang iwanan ang mga hayop sa isla.
Ayon kay Lyndon, maaaring itinapon ng ilang may-ari ang kanilang mga alagang aso nang hindi na nila kayang alagaan ang mga ito.
“Hindi na ako nagtaka kasi ang alam ko talaga dinadala sila ng mga taong ayaw na sa alagang aso. Maaaring tinatapon talaga," dagdag niya.
Isang residente ng Talim Island na tinawag na “Ricky” (hindi niya tunay na pangalan) ang umaming iniwan niya ang ilan sa kaniyang mga alagang aso sa mga isla noong nakaraang Nobyembre dahil sa kahirapang pinansyal.
Aniya, wala siyang makitang gustong mag-ampon sa mga aso at hindi na rin niya kayang pakainin ang ang mga alaga na dumarami na.
Walang nakatira sa mga isla at malayo sa mga kabahayan kaya nagkaroon ng tanong kung paano napunta roon ang mga hayop.
Makikita umano sa naturang usapin ang mas malaking problema ng pag-abandona sa mga alagang hayop sa Pilipinas, na lumalabag sa Animal Welfare Act of 1998 (Republic Act No. 8485) at Anti-Rabies Act of 2007 (Republic Act No. 9482).
Paliwanag ng isang abogado, maaaring patawan ng multa, pagkakakulong, o iba pang parusa ang mga lalabag sa nasabing batas.
Kinumpirma rin ng Binangonan Animal Welfare Unit na lumalaking problema ang pag-abandona sa mga alagang hayop.
"Medyo malayo po kasi 'yung island po talaga sa amin, sa mainland. Ang ginagawa po ng iba, itinatapon na lang dito 'yung mga 'di na kayang alagaan na aso. Tapos ire-rescue na lang po namin," ayon sa pinuno ng unit.
Nakikipag-ugnayan na umano ang mga awtoridad sa mga animal shelter para sa tamang pag-aalaga sa mga hayop.
Anong sunod na mangyayari?
Pinangunahan ang rescue operation ng Biyaya Animal Care Group Foundation, isang organisasyon para sa kapakanan ng hayop na pinamumunuan ni Rina Ortiz. Nailigtas ng grupo ang 22 aso at isang pusa sa loob ng halos apat na oras, at tatlo pang aso ang nailigtas kinabukasan.
Dinala ang lahat ng hayop sa isang vet hospital para sa masuri muna ang kanilang kalusugan, at ang ilan ay kinailangang gamutin.
"Ini-screen natin sila for mga viral disease like canine distemper and canine parvovirus. Kung sila'y healthy, maaari na natin silang kapunin before i-transfer sa shelter," ayon sa medical director.
Ililipat ang nasagip na mga aso sa Biyaya Animal Sanctuary sa Alfonso, Cavite, na kasalukuyang may mahigit 1,500 aso at daan-daang pusa. May isolation area ang sanctuary para sa mga may sakit na hayop at nagbibigay rin ito ng kinakailangang gamutan.
Binigyang-diin ni Ortiz na ang pangunahing problema ay ang kapabayaan ng tao, at hindi ang mga hayop.
Isinusulong niya ang Trap-Neuter-Release (TNR) program, kung saan ligtas na hinuhuli ang mga asong gala, kinakapunan, ginagamot, at pagkatapos ay ibinabalik sa kanilang lugar
Binatikos din niya ang paggamit ng euthanasia bilang pangunahing solusyon sa sobrang dami ng mga asong gala, at nanawagan ng mas makataong paraan sa paglutas sa problema.
Naglagay na rin ng mga babala ang lokal na pamahalaan ng Binangonan sa mga isla upang paalalahanan ang mga residente laban sa pag-abandona ng mga alagang hayop.
Patuloy na mino-monitor ng rescue team ang mga isla at nagbibigay ng pagkain sa mga natitirang hayop. May plano ring magsagawa pa ng mga susunod na rescue operation upang matiyak na ligtas at malusog ang mga natitira pang hayop.
Hinihikayat ni Ortiz at ng mga volunteer ang mga may-ari ng alagang hayop na maging responsable at humingi ng tulong kung kinakailangan sa halip na iwan ang kanilang mga alaga.— Carby Rose Basina GMA Integrated News
