Ikinagulat ng mga residente sa Barangay San Miguel sa Palo, Leyte ang bigla umanong paglitaw ng tila mukha ni Hesus sa isang pader matapos ang pag-ulan. Habang may naniniwala na isa ito himala, may ibang paliwanag naman ang isang eksperto.

Sa isang ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules ng gabi, sinabi ng nag-upload ng video na si Caryl Del Carmen, na maraming tao ang napapahinto, nagdadasal, at nagsisindi ng kandila sa ibaba ng pader dahil sa naturang imahen.

"As a Catholic, isang glance ko lang sir, 'yun din talaga yung nakita ko. Image 'yun ni Jesus," sabi ni Del Carmen.

"'Yung iba nagdadasal, nag-aano ng kandila doon sa may parte na 'yon. Malapit lang dito 'yung Missionaries of Charity, 'yung mga sister. Pumunta din doon, kinabukasan ng umaga. Wala na doon, parang two hours lang na 'yung image niya na andoon," dagdag niya.

Ngunit kahit ilang oras lang tumagal ang paglitaw ng imahen, mayroon pa rin umanong mga tao ang nagtutungo sa lugar.

"Hanggang ngayon sir, meron pa din pumunta dito, nagsisindi ng kandila. Pumasok lang sa isip ko na mag-holy week na, nagre-remind sa atin ng pananampalataya," sabi ni Del Carmen.

Magkakahalo naman ang naging reaksyon ng netizens sa online. May ilan na nagsasabing himala ito, habang ang iba naman ay nagdududa.

Gayunpaman, nilinaw ng simbahan na hindi maaaring ideklara kaagad na aparisyon o himala ang naturang pangyayari nang walang masusing imbestigasyon.

"Hindi puwedeng sabihin ang simbahang totoo 'yung aparisyon. Kasi mahabang investigation 'yan. Maraming pamamaraan ang parang mga appearances, lalo na kung religious in nature. Pero kadalasan diyan ay natural phenomenon," ayon kay Fr. Francis Lucas, President and CEO ng Catholic Media Network.

Idinagdag ni Lucas na hindi masama ang pagsisindi ng kandila dahil nakadepende ito sa interpretasyon ng isang tao sa kaniyang nakita.

"Nasa interpretation mo 'yung nakita mo. Tama sana kung ito ay may religious interpretation," saad niya.

Sa pananaw naman ng eksperto sa agham, maaaring umanong halimbawa ng psychological phenomenon na “pareidolia,”ang nakitang imahen.  

Sa pareidolia, nakakakita ng tao ang isang pamilyar na hugis o mukha sa mga random na pattern.

"Puwedeng i-simplify natin na ang pareidolia ay parang ilusyon. Like for example, kapag makita tayong shadow sa pader o kapag nakita tayo ng mukha sa pagkain natin o kapag nakita tayo ng ulap tapos parang mayroong shape ang ulap," sabi ng psychiatrist na si Randy Dellosa.

"Bakit nangyayari ito? Dahil ito sa paraan ng pagproseso ng ating utak sa mga impormasyon, lalo na mga pattern at mukha," dagdag niya.

Ayon pa sa eksperto, tuwing Semana Santa, mas nagiging bukas ang isipan at damdamin ng mga tao sa mga espiritwal na karanasan, kaya mas nagiging sensitibo sila sa mga ganitong bagay.

"Ang karanasan ng pareidolia ay isang normal na proseso o phenomenon sa tao. Kaya hindi ito masama. And kung nakaka-experience tayo ng pareidolia at nakakita tayo ng mga spiritual na images, siguro ito ay dapat pag-aralan natin," paliwanag ni Dellosa.

Samantala, sinabi ni Lucas na kung nagsisilbi itong paalala, maaari nitong hikayatin ang mga tao na muling magbalik sa kanilang pananampalataya.—Jade Veronique Yap/FRJ GMA News