Kinumpirma ni Jake Cuenca sa ipinadalang mensahe sa vlog ni Ogie Diaz na exclusively dating na sila ni Rabiya Mateo.
Sa pinakabagong vlog ni Ogie sa YouTube, sinabi nito na nagpadala ng mensahe ang aktor at ibinahagi ang ilang detalye tungkol sa ugnayan nila ng Miss Universe Philippines 2020.
Binasa ni Loi Villarama ang naturang text message ni Jake sa vlog na nagsasaad na: “Hi, Mama Loi, yes, it’s true. It’s safe to say that she makes me happy and we’re exclusively dating at the moment."
Nagsimula ang usap-usapang nagde-date ang dalawa matapos na may makakita sa kanila na magkasama sa isang pampublikong lugar sa Taguig City noong Marso.
Hayagan ding nagpapakita ng paghanga si Jake kay Rabiya sa social media, at nag-iiwan ang aktor ng mga komento sa mga post ng aktres. Sa Instagram, nagkomento pa siya ng “breathtaking” sa isang larawan ni Rabiya na kuha sa Chiang Rai, Thailand.
Noong nakaraang buwan, sinamahan din niya si Rabiya sa birthday party ng Kapuso child star na si Sienna Stevens.
Huling naging karelasyon ni Jake ang aktres na si Chie Filomeno, at naghiwalay sila noong Oktubre 2025.
Samantala, inanunsyo naman ni Rabiya na single na siya noong Setyembre 2025, matapos ang paghihiwalay nila ni Jeric Gonzales. — Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News

