Ikinabighani ng mga residente ang natatagong yaman sa Bakun, Benguet, ang kagandahan ng isang talon o waterfalls na kamakailan lamang nadiskubre sa kanilang lugar. Maaari din kaya itong bisitahin ng mga turista? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “I Juander,” itinampok ang Katinglan Falls na matatagpuan sa Barangay Dalipey.

“Katinglan Falls is isa po sa mga attraction para sa Barangay Dalipey para mapansin din ito. Proud po to say na we're happy na meron palang ganitong falls dito sa Barangay Dalipey and as a source of income na din po sa mga tao dito,” sabi ni Frances Jean Cogoy, tourism staff ng Bakun, Benguet.

Ang magkaibigang sina Armando Dapdapog at Leonardo Bayagen ang nakatuklas sa falls.

“Sinabi na may falls dito. Sinubukan kong tingnan itong falls. Kinuhanan ko ng picture, ibinigay ko sa munisipyo. Ang sabi ‘O sige, balikan niyo sila,’” sabi ni Leonardo.

May taglay ding kuwento ang pinanggalingan ng kanilang lugar na Katinglan. Isang Amerikano umano ang nagpakuha noon ng Gipas o wild coffee plant sa lolo ni Armando sa kabundukan ng Benguet.

“Nu’ng dinala niya sa Lepanto, nakita ng Amerikano. Ayon sa lolo ko, ‘Cutting Land’ ang tinawag ng Amerikano,” sabi ni Armando.

Kailangan sumakay ng 4x4 para marating ang Katinglan Falls dahil sa malubak at liko-likong kalsada.

Aabot ang pag-trek nito ng dalawa hanggang tatlong oras.

“Ibayong pag-iingat po kasi mas masikip 'yung daan and dire-diretso na po ‘yan sa baba. Ganu’n pa man, mapi-feel mo naman 'yung sariwang hangin and maganda 'yung view,” sabi ni Cogoy.

May itinalaga ring lugar ang Barangay Dalipey para gawing campsite kapag binuksan na ang Katinglan Falls sa publiko.

Pagkatapos ng ilang oras na paglalakad, masisilayan na ang kagandahan ng Katinglan Falls.

Nagmula ang tubig ng talon sa bulubundukin ng Bakun kaya ito malamig at refreshing.

Nagpaalala ang Bakun Tourism Office sa mga sabik na masilayan at makapunta sa Katinglan Falls na maghintay sa kanilang opisyal na anunsyo kung kailan ito bubuksan sa publiko. – FRJ GMA News