Sumuko na ang mag-amang nahuli-cam na pinagtulungang barilin at saksakin ang isang lalaki na kanilang kapitbahay sa loob ng isang computer shop sa Tondo, Manila. Pero giit ng mag-ama, hindi ilegal na droga ang dahilan ng krimen dahil ang biktima umano ang naunang nagtangka sa buhay ng isa sa mga suspek.
Nitong Miyerkoles, iniharap ni Manila Mayor Isko Moreno sa mga mamamahayag ang mag-amang sina Jeffrey, 49-anyos, at anak nitong si Jefferson, 25-anyos, na suspek sa pagpatay sa biktima si alyas Bunso, 46-anyos.
BASAHIN: Lalaki, patay nang pagtulungang saksakin at barilin ng mag-ama sa Maynila
Nitong nakaraang Lunes nang makuhanan sa CCTV camera sa loob ng isang computer shop sa Barangay 105 ang nangyaring pagbaril at pananaksak ng mga suspek sa biktima, na hindi na umabot nang buhay sa ospital.
Sa lumabas na naunang ulat, sinabing posibleng ilegal na droga ang ugat ng krimen dahil sa nagreklamo umano ang isa sa mga suspek na tawas umano na nakuha nito matapos bumili ng P1,000 halaga ng shabu.
Isang alyas Bunso umano ang itinuturong nagbenta ng ilegal na droga. Pero itinanggi ito ng isang kaanak ng biktima at sinabing posibleng ibang “Bunso,” ang nagbenta ng shabu.
Sa pulong balitaan kay Moreno, itinanggi ng mag-ama na ilegal na droga ang dahilan kaya kinompronta nila ang biktima sa computer shop. Ayon sa anak na suspek, pinagtangkaan umano ng biktima ang kaniyang buhay noong Linggo at hinabol siya ng saksak.
Pinagbantaan din umano siya ng biktima na papatayin kaya sinabi niya ito sa kaniyang ama. Ayon sa amang suspek, dati na siyang namatayan ng anak kaya naais niyang protektahan ang kaniyang anak.
Ipina-barangay umano nila ang biktima sa nangyaring insidente noong Linggo. Hanggang sa malaman nilang nasa computer shop ito na kanilang pinuntahan para kausapin at ayusin kung ano man ang problema.
Ayon sa mga suspek, armado sila ng baril at patalim dahil inaasahan din umano nilang armado ang biktima kasunod nang nangyari noong Linggo. Wala rin umano silang intensyon na patayin ang biktima.
Dagdag pa nila, ang biktima umano ang sumugod sa kanila na may bubunutin, kaya inunahan nila hanggang sa magdilim na ang kanilang paningin kaya napagtulungan na nila itong patayin.
Matapos na madinig ang kuwento ng mag-ama, sinabi ni Moreno na ang korte ang magpapasya sa kaso at nabasahan na rin ng sakdal ang mga suspek.
“Habang kinikilala natin na maaaring may kaniya-kaniya silang dahilan sa likod ng naganap na krimen, sa huli, ipauubaya natin sa hukuman ang paghatol at pananagutan sa kanilang mga ginawa,” anang alkalde.
“Umaasa tayo na makakamit ang hustisya para sa pamilya ng biktima at nawa’y mapanatag ang ating mga kababayan na mananagot ang mga suspek sa kanilang ginawa,” dagdag niya.—FRJ GMA Integrated News

