Hinahangaan ang isang high school student matapos siyang makaimbento ng pintura na fire resistant umano na mula sa coconut husk. Bukod pa sa sabon na mayroong antimicrobial properties.

Sa ulat ni Jewel Fernandez sa GMA Regional TV One North Central Luzon, itinampok ang estudyanteng si Josef Minard Balverde, na naging inspirasyon ang pag-iingat sa sunog kaya niya naisipang mag-imbento ng fire-resistant acrylic housing wood paint na gawa sa coconut husk at sodium borate at vermiculite.

“Ang produkto po is para po siyang fire-resistant paint na ipipintura sa mga house para ‘pag may certain cases na may apoy, puwede po siyang mag-last longer para hindi agad maapoy ang bahay at puwedeng ma-response agad ang mga tao,” sabi ni Balverde.

Puwede rin umanong gamitin ang pintura sa ceiling o kisame upang mabawasan ang init sa loob ng bahay dahil sa ginamit na husk, na heat-resistant.

Bukod dito, nakagawa rin si Balverde ng isang uri ng sabon na pangunahing sangkap ang coconut husk at oregano.

Katunayan, ginagamit niya ito sa kaniyang kamay at mukha na nakakapagpakinis umano ng kutis at mayroong antimicrobial properties.

“Pinag-combine ko lang po silang dalawa para mas effective po siya pumatay ng germs,” sabi ni Balverde.

“Mokusako ay ginagamit siya for medicine especially in cosmetics. So may mga pag-aaral po na may ibang taga-CAR (Cordillera Administrative Region), Benguet na ginagamit po nila as facial treatment,” sabi ni Gerald Suriaga, agriculture scientist. – Jamil Santos/FRJ GMA News