Sugatan ang isang matapang na high school principal matapos siyang makipag-agawan sa baril ng isang lalaki na pumasok sa kanilang paaralan sa Oklahoma, U.S.A.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV camera ang pagpasok ng gunman saka nagpaputok ng baril sa loob ng Pauls Valley High School.

Ilang saglit pa, lumabas mula sa isang pinto ang mismong principal na kinilalang si Kirk Moore, at sinugod niya ang gunman para hindi na muling maiputok ang baril.

Nagpambuno ang dalawa sa hanggang sa matumba sila sa upuan.

Tinulungan ang principal ng isa pang empleyado na sinipa at pinulot ang baril na nahulog mula sa kamay ng gunman.

Batay sa pulisya, nabaril sa binti ang principal sa gitna ng agawan nila sa baril.

May dala umanong dalawang baril ang suspek at plano niyang patayin ang sarili matapos ang gagawing pamamaril sa paaralan.

Napag-alaman na dating estudyante sa paaralan ang gunman.

Salamat sa bayaning principal, at wala nang ibang nasaktan sa naturang insidente.

Sa nakalipas na mga taon, ilang insidente ng pamamaril sa loob ng paaralan ang nangyayari sa Amerika na nagreresulta sa pagkasawi ng ilang mag-aaral, maging ang mga bata. – Jamil Santos/FRJ GMA News