Nagsalita na si Mark Herras tungkol sa nag-viral na video na kaniyang inilabas na makikitang umiiyak siya at tila may mabigat na pinagdaraanan.

Sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, inilahad ni Mark na ang kaniyang breakdown ay dahil sa hindi nila pagkakaunawaan ng kaniyang maybahay na si Nicole Donesa.

“Wala siyang connection with money, with work. So, it's a personal issue na kailangan ko siyang gawin, kailangan ko siyang i-post, just to vent out,” ayon kay Mark nang tanungin ni Tito Boy tungkol sa isyu.

Ayon pa kay Mark, nakararanas din siya ng depresyon at ito ang kaniyang paraan para mailabas ang kaniyang nadarama.

“Again my explanation is, hindi ko siya inilabas just to get sympathy from people. Never naman ako nagpo-post ng mga ganiyan talaga Tito Boy. I don't really post things like that,” sabi pa niya.

Dagdag pa ng aktor, wala siyang nakakausap na tao tungkol sa kaniyang problema.

“But recently, wala akong nakakausap na talagang, ‘May problema ako,’ gano'n. Kasi nga, busy ako with work, busy ako, kailangang maghanap ng trabaho, busy ako sa family.”

Kalaunan, inilahad ni Mark na may pinagdadaanan sila ni Nicole.

“So, noong nangyari ito, nagkaroon kami ng away ni misis,” sabi niya. “Meron kaming ugali na para hindi na lumaki 'yung away, aalis na lang ako ng bahay. Para hindi kayo magbungangaan, 'yung mga bata, kawawa naman.”

Ayon kay Mark, naging emosyonal siya habang iniisip na panandalian siyang mahihiwalay sa mga anak na sina Corky at Mina.

“So, ‘yan 'yung time na maliligo na ako to get out of the house. E diyan sa CR na 'yan, nag-flashback lang sa akin na diyan ko pinapaliguan 'yung panganay ko everyday. And then, biglang 'yung mukha ng bunso ko 'yun na 'pag nakikita ako dumarating sa bahay, 'yung ngiti niya na sa akin niya lang ginagawa from, based du'n sa lola at asawa ko na, iba 'yung ngiti sa ‘yo ni Mija,” kuwento niya.

“Being a dad na alam kong mahihiwalay ako sa kanila for… hindi alam kung ilang days, ilang weeks, nag-breakdown ako Tito Boy. ‘Yan 'yung reason kung ba't ako umiiyak,” sabi pa ni Mark.

Sinabi pa ni Mark na tila nagdadalawang isip siya na iwan panandalian ang mga anak, ngunit ayaw din niyang lumala pa ang away nila ni Nicole.

“Kumbaga dapat ba, hindi ako aalis ng bahay para hindi ko sila ma-miss, pero, parang 'yung issue namin dalawa ng asawa ko na, kung hindi ako aalis dito, bangayan, bangayan, na ayoko na lang ng gano'ng stress sa buhay,” patuloy niya.

Nagpasalamat naman si Mark ang mga kaibigan niya sa showbiz na nagpahayag ng pag-aalala at suporta sa kaniya.—FRJ GMA News