Labis ang kasiyahan ng isang dalaga na mula sa Leyte, at may kondisyon na severe dextroscoliosis nang makaharap niya nang personal ang kaniyang idolo na si Caprice Cayetano. Ang Kapuso artist, may regalo sa kaniyang avid fan, na binigyan naman siya ng ginawa nitong bracelet.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang 18-anyos na si Cindy Entira, mula sa Leyte, at may severe dextroscoliosis. Dahil sa kaniyang kondisyon, naging mahaba ang kaniyang mga binti at braso, at nakararanas ng matinding pagsakit ng likod.

Sa kabila ng kaniyang kondisyon, naging libangan ni Cindy ang pagsasayaw at pakikinig ng music.

“Kapag nakakarinig ako ng music, nawawala ‘yung mga problema ko po, ‘yung pinagdaraanan ko po,” sabi ni Cindy, na nagpo-post din ng kaniyang mga video sa social media.

Idolo niya sa pagsasayaw ang rising Kapuso teen star at Big Winner ng Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0 na si Caprice.

“Nakikita ko po kasi siya sa PBB, na mabait, palatawa, mahilig sumayaw, matatag. Kinikilig po ako kapag kasama po ni Caprice si Heath (Jornales),” sabi niya.

Mula sa Leyte, sinamahan ng KMJS team si Cindy na bumiyahe pa-Quezon City para ipasuri ang kaniyang kondisyon. Ngunit hindi inaasahan ng dalaga ang sorpresa sa kaniya na makikita niya nang personal ang idolo na si Caprice.

Ang dalawa, parehong hindi naiwasan na maging emosyonal nang magkita na.

“Hindi namin akalain na makatagpo kami ng artista kasi nandoon kami nakatira sa malayo,” sabi ni Lola Ofelia Entira, nag-aalaga kay Cindy at kasama ring bumiyahe sa QC.

“Masaya po ako na pumayag kayo na makita kita. Salamat din po sa gift. Hindi ko po ito makakalimutan, lahat ng nangyari dito ngayon. Kahit ikaw din, hindi rin kita makakalimutan. Habambuhay ko po itong dadalhin,” mensahe ni Cindy kay Caprice.

“Gusto ko din mag-thank you sa'yo, Cindy. Tsaka natutuwa ako at happy ako na nakita kita nang personal. More TikToks to come. Always look at the bright side lang. Huwag susuko,” mensahe naman ni Caprice kay Cindy.

Tunghayan sa KMJS ang madamdaming pagtatagpo nina Cindy at kaniyang iniidolo na si Caprice.—FRJ GMA News