Nagulantang ang isang mag-asawa sa Catarman, Camiguin nang may dumaan sa kanilang harapan na mabilis at tila gumagapang na ahas. Pero nang kanilang suriin, hindi pala ahas ang kanilang nakita kung hindi hilera ng mga daga.
Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, ikinuwento ni Doyan Calustre, na biglang sumulpot sa kanilang harapan sa bakuran ang gumagapang na tila mahabang ahas.
“Nagulat ang asawa ko sabi niya, ‘Uy may ahas!’” saad ni Doyan.
Pero nang suriin niyang mabuti, napansin niya na hindi ahas ang nakita nila kung hindi mga dagang maliliit na magkakadikit at magkakahilera na tumatakbo.
“Nagulat talaga ako na natuwa [kasi] first time kong makakita nang ganun. Nagkukumpulan, nasa walo o anim na magkakadugtong,” sabi ni Doyan.
Galing daw ang mga daga sa masukal na lugar at maraming damo sa lugar nila.
Ayon kay Kuya Kim, ang paghilera ng mga daga na magkakadikit ay tinatawag na caravan formation.
Nakakapit umano ang mga daga sa buntot, balahibo, o katawan nang daga na nasa unahan nila gamit ang bibig. Sabay-sabay silang kumikilos na mistulang tren.
Ang mga batang daga umano ang gumagawa ng naturang formation, at ang nangunguna sa pila ang kanilang ina, o ang mas matandang daga.
Sinabi pa ni Kuya Kim na hindi pa mahusay ang paningin at orientation ng mga batang daga kaya sinusundan nila ang nasa harapan nila.
Bukod sa mahina ang paningin at orientation ng mga batang daga, ginagawa umano ng mga ito ang naturang formation para protektahan ang kanilang grupo.
Mas ligtas daw para sa mga daga kung magkakadikit sila kaysa magkakahiwalay. Karaniwan daw itong ginagawa ng nanay na daga sa kaniyang mga anak kapag lumipat sila sa mas ligtas na lugar. – FRJ GMA News
