Nasawi ang isang 56-anyos na balikbayan na mula sa Hawaii matapos siyang pagbabarilin habang kasamang naglalakad ang kaniyang asawa sa Badoc, Ilocos Norte.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nangyari ang krimen sa Barangay Aring.
Habang naglalakad ang biktima at kaniyang asawa, sinalubong sila ng mga salarin na nakasakay sa motorsiklo at pinagbabaril ang lalaki.
Mabilis na tumakas ang mga salarin matapos gawin ang krimen.
Apat na basyo ng bala mula sa kalibre 45 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.
Wala pang pahayag ang misis ng biktima, habang hindi na rin muna nagbigay ng iba pang detalye ang pulisya habang patuloy ang isinasagawa nilang imbestigasyon para madakip ang mga salarin.—FRJ GMA News
