Ibinahagi ni Iwa Moto na magiging bridesmaid si Jodi Sta. Maria sa kasal nila ni Pampi Lacson. Si Jodi ay dating asawa ng huli.

Sa panayam sa "Fast Talk with Boy Abunda" noong Lunes, ibinahagi ng dating aktres ang tungkol sa kanilang espesyal na pagkakaibigan ni Jodi.

Kuwento ni Iwa, hindi masyadong maayos sa simula ang relasyon nila ni Jodi dahil hindi pa nila lubos na kilala ang isa't isa. Dating asawa ni Jodi si Pampi, at mayroon isang anak ang dalawa na si Thirdy.

"Nung dumating ako sa buhay ni Pampi, wala na talaga sila," ani Iwa. "Nung dumating ako, kaya din siguro hindi naging mahirap 'yung transition namin to become friends, maybe because I'm not the reason why they broke up."

Ayon kay Iwa, naging malapit sila ni Jodi dahil sa pagmamahal nila kay Thirdy.

"'Pag nagmahal ako, sobra. Pati 'yung anak, minamahal ko na parang totoo kong anak," sabi ni Iwa. "So 'yung nakikita ko na nahihirapan 'yung bata dahil 'yung magulang niya, kami, 'yung tumatayong nagbabantay sa kanya ay 'di nagkakasundo, siya 'yung naapektuhan."

Ayon kay Iwa, unti-unti nilang nabuo ni Jodi ang isang magandang pagkakaibigan, at itinuturing niya ngayon ang aktres bilang isa sa kanyang pinakamatalik na kaibigan.

"Bridesmaid ko po siya," paglalahad ni Iwa.

Aniya, nagbibiro pa umano si Jodi ng, “Handa na ang gown ko.”

"Sabi ko, 'wag ka mag-alala, you'll be the one to first know. So nung nangyari nga na nag-propose si Pampi, isa po siya sa mga nakaalam," sabi pa ni Iwa.

"She's so happy. Siya naman po, sabi niya, matagal na niyang inaantay 'to," dagdag niya.

Ibinahagi rin ni Iwa na si Jodi ang isa sa kanyang nilalapitan kapag kailangan niya ng makakausap. May sertipikasyon si Jodi sa Interpersonal Psychotherapy (IPT) training.

Ikinasal sina Jodi at Pampi noong 2005 at naghiwalay noong 2011. Isinilang din noong 2005 ang kanilang anak na si Thirdy.

Samantala, 14 na taon nang magkasintahan sina Iwa at Pampi. Mayroon silang dalawang anak na sina Hiromi at Caleb.

Madalas magbahagi sina Iwa at Jodi ng mga larawan ng kanilang blended family sa Instagram at nagkokomento rin sila sa mga post ng isa’t isa.

Nang mapawalang-bisa ang kasal nina Jodi at Pampi noong 2024, ipinakita rin ni Iwa ang kaniyang suporta kay Jodi.—Nika Roque/FRJ GMA News