Nagkuwento sa unang pagkakataon ang dalawang manlalaro ng Ateneo Blue Eagles tungkol sa kanilang mga karanasan bago, habang nagaganap, at matapos ang insidente ng pagkalunod nina Rene Baterbonia at Divine Adili.

Sa isang episode ng Let’s Talk with Pia Hontiveros podcast, na iniulat din sa GMA News Feed, ikinuwento ng dalawang manlalaro ang mga naganap sa Hermanos Leisure and Farm Resort sa Aurora.

Ayon sa kanila, tinipon muna sila ng head coach noon na si Tab Baldwin para ipaliwanag ang kanilang magiging mga aktibidad sa training.

Ipinaliwanag din ang tungkol sa rip currents o malalakas na agos ng dagat, at binigyan ang koponan ng safety instructions sakaling tangayin ng alon.

"We had like a pretty long discussion naman about it po like swim vertical to the shore 'pag may rip current and they warned us din about uneven na sand," sabi ni Kieffer Alas, isang Ateneo Blue Eagle.

Sinabi umano ng dating coach na layon ng team-building activities na mas mapalapit pa ang team at patibayin ang kanilang mental toughness.

Hunyo 7 nang bumiyahe ang buong Ateneo Men’s Basketball Team patungong Dipaculao, Aurora kasama sina Baldwin, at assistant coaches na sina Sandro Soriano, Jon Jacinto, Dean Castaño, strength and conditioning coach na sina CJ Elumba, isang physical trainer at dalawang student managers.

Humingi rin ng permiso umano mula sa mga magulang ng players bago sila sumama sa training camp.

Pagkarating sa resort, inayos muna ng mga manlalaro ang kanilang mga kuwarto. Bago maghapunan, tumulong din ang ilang players sa paglilinis ng dalampasigan bilang paghahanda sa kanilang mga activity.

Nagsagawa rin umano ng group session kung saan nagkuwento ang bawat isa tungkol sa kanilang mga sarili.

Kinabukasan, nagising ang players sa isang siren, na hudyat na simula na ng camp.

Nag-umpisa ang araw ng team sa physical activities sa beach. Matapos mag-agahan, nagpatuloy sila sa isang water activity sa dagat.

Bago mag-umpisa, nagtanong umano kung sino ang hindi marunong lumangoy.

"Nagtaas ako ng kamay. Sila Rene marunong lumangoy, sila Divine hindi marunong lumangoy. So yung mga hindi marunong lumangoy, dito lang kayo sa malapit, tapos yung exercise is sundan lang si coach sa shore," sabi ni Ian Espinosa sa Ateneo Blue Eagle Ateneo de Manila University town hall noong Hunyo 16, 2026.

Sinabihan umano ang student-athlete na hindi marunong lumangoy na huwag lumayo sa dalampasigan.

Sa umpisa, maayos pa ang aktibidad, ngunit lumakas kalaunan ang mga alon na sunod-sunod na humampas sa grupo.

Sinabi ng mga manlalaro na dahan-dahang tumaas ang tubig at nagsimulang mahirapan ang ilan dahil sa malakas na agos.

“It was bigger than us. At first we were having fun, laughing on the first wave,” sabi ni Sam Reyes, isa ring Ateneo Blue Eagle.

Sinabi pa ng mga manlalaro na bigla na lamang tumaas ang antas ng tubig mula sa hita hanggang sa dibdib, kaya nag-signal na ang isa sa mga coach na umahon na sila.

Hanggang sa napansin ng grupo na humihingi ng tulong ang isa nilang teammate.

“Actually itong second wave, one of our teammates started screaming help. Parang he got separated and went to the back po,” sabi ni Kieffer.

Matapos nito, nagsimula na ring sumigaw ang iba habang sinusubukang tulungan ang kanilang mga kasama.

“Third wave po, that's when everyone started screaming na po cause we couldn't reach the [ground],” sabi ni Kieffer.

Samantala, ibinahagi ni Ian Espinosa sa isang town hall sa Ateneo de Manila University campus na nakikita niyang lumangoy si Rene Baterbonia bago ito tuluyang mawala sa kaniyang paningin.

Sinabi pa ni Reyes na iisa lamang umano ang lifeguard na naka-duty sa resort nang maganap ang insidente.

Pagkaraan ng search and rescue efforts, una umanong natagpuan si Rene na binigyan ng CPR bago isugod sa ospital.

Kalaunan, natagpuan si Divine, na agad ding binigyan ng paunang lunas.

Ayon kay Sam Reyes, may pulso pa ‘di umano si Divine bago ito dalhin sa ospital.

Pagkahatid sa pagamutan ng dalawang manlalaro, tinipon umano ang natitirang miyembro ng koponan at ipinaalam sa kanila ang nangyari.

Pagkabalik ni Coach Tab Baldwin sa ospital, dito nila nalaman na pumanaw na sina Rene at Divine.

Nilinaw naman ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na hindi mismo sa harap ng resort nangyari ang insidente.

Batay sa impormasyon, ang lugar kung saan ito naganap ay tinatayang nasa 300 hanggang 700 metro ang layo mula sa resort. – Jamil Santos/FRJ GMA News