Kinaantigan ng netizens ang video ng pamamaalam ng isang pamilya sa kanilang alagang aso na si "Stormi." Ang aso, nanghina rin umano matapos magkasakit ang kaniyang furmom. Sinalo nga kaya ng aso ang sakit ng kaniyang amo? Tunghayan ang kanilang kuwento.
Sa video ni Margie Guinihin, na iniulat sa GMA News Feed, mapanonood ang maluha-luhang pagyakap ni Margie sa kaniyang alagang aso na si Stormi, matapos hindi makakuha noon ng inaasam niyang concert ticket.
Ngunit hindi niya alam na ito na pala ang isa kaniyang mga huling yakap sa kanilang alaga.
Kuwento ni Margie, napansin na lamang ng kaniyang Mama Myla na tila natutumba na noon si Stormi.
Kalaunan, namaalam na sa kanila ang itinuturing nilang “bunso” sa pamilya.
“Stormi, mahal na mahal ka ni Mama. Salamat din, inalagaan kita nang limang taon,” emosyonal na mensahe ni Mama Myla kay Stormi.
Ayon kay Margie, hindi nagkaroon ng malalang sakit si Stormi na laging kalaro at nakabuntot kay Mama Myla.
Pero nagbago ang lahat nang magkaroon si Mama Myla ng Stage 4 Nasopharyngeal Carcinoma, na isang rare type ng cancer sa ulo at leeg.
Kasunod nito, ang dating hyper at masayahin na si Stormi, tumamlay at tila nawalan daw ng ganang kumain.
Kasabay ng pag-deteriorate ng katawan ni Mama Myla, labis din ang pagpayat ni Stormi.
“Nakikita niya ‘yung paghihirap ni Mama. Kapag aalis si Mama for her follow-up treatment, tapos sasakay siya ng ambulance, naiiyak si Stormi tapos iba ‘yung tahol niya iba,” kuwento ni Margie.
Dinala nila sa beterinaryo si Stormi, at ginawa ng pamilya ang lahat para maibalik sa dating sigla ng aso. Gayunman, nagpatuloy ang panghihina ni Stormi.
Hanggang sa isang araw, dumating na ang kanilang kinatatakutan nang pumanaw na si Stormi.
“Salamat, dalhin mo na ‘yung sakit ko. Stormi, dalhin mo na ‘yung sakit ni Mama,” emosyonal na mensahe ni Mama Myla sa kanilang alaga habang yakap niya ito.
"We do believe that Stormi sacrificed his life for Mama. There's no proof if totoo po 'yung 'salo,’ but we believe in that. He couldn’t bear to see our mama in pain, so he sacrificed,” sabi naman ni Margie.
“Sabi siguro, ‘Kawawa si Ate kapag nawala si Mama. Ako na lang po ang kunin ninyo,’” sabi ni Mama Myla.
Mahirap para sa pamilya ni Margie na mag-move on sa pagkawala ng kanilang “bunso” sa pamilya/
Gayunman, habambuhay mananatili sa kanilang puso si Stormi na nagdala ng saya sa kanilang pamilya.—FRJ GMA News
