Isang juvenile whale shark o butanding na na-stranded sa mababaw na bahagi ng baybayin ng San Fabian, Pangasinan matapos sumabit sa lambat. Ang mga mangingisda at residente, nagtulong-tulong para maibalik ang dambuhalang isda sa malalim na bahagi ng dagat.

Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, makikita sa video na ibinahagi ng isang netizen na lumalangoy ang stranded na butanding sa dalampasigan ng Barangay Sobol dakong 10 ng umaga nitong Miyerkules, Hulyo 22, 2026

Ayon kay Pinlac Villanueva Mayvel, isang mangingisda, tila naipit ang butanding sa isang lambat bago ito unti-unting inanod palapit sa pampang.

"May nasa loob ng net kaya lumapit ako. Pilit nilang nilalabas kaso ayaw talagang lumabas, lalong lumalapit sa pampang. Pero nang tumagal na rin, nahila rin palayo," kuwento niya.

Nagtulong-tulong ang mga residente at mangingisda upang gabayan ang butanding palayo sa dalampasigan hanggang sa ligtas itong makabalik sa mas malalim na bahagi ng dagat.

Ayon pa kay Mayvel, dati nang may mga namamataang butanding sa lugar, ngunit ito ang unang pagkakataong may isang lumapit nang husto sa baybayin.

Dagdag pa niya, tuwing may nakikitang butanding sa lugar ay agad itong dinarayo ng mga residente at mga naliligo sa dagat.

"Sobra. Pagka may nakitang whale shark, dinudumog ng mga tao kasi nga sa sobrang laki tapos rare siya. Tuwang-tuwa 'yung mga naliligo sa dagat," saad niya.

Nagpaalala naman ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa publiko na agad iulat sa mga awtoridad ang anumang na-stranded o nanganganib na butanding upang matiyak na ligtas at maayos itong maibabalik sa natural nitong tirahan. – FRJ GMA News