Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes sa dalawang kapulungan ng Kongreso na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang tanggalin ang systems loss charges, kabilang ang kaakibat nitong value-added tax (VAT), na ipinapasa at sinisingil sa mga konsyumer ng kuryente.
Ang systems loss ay kuryenteng nawawala habang ipinapadala [sa daloy] at ipinamamahagi, dulot man ng mga teknikal na problema o dulot ng mga ilegal na gawain gaya ng jumpers o pagnanakaw ng kuryente.
Sa ilalim ng kasalukuyang mga batas tulad ng EPIRA at Republic Act No. 7832 o Anti-Pilferage of Electricity and Theft of Electric Transmission Lines/Materials Act, pinapayagan ang mga distribution utility na ipasa sa mga end-consumer ang bahagi ng systems loss sa pamamagitan ng systems loss charge na nakasaad sa buwanang bill ng kuryente.
“At kung pagbawas ng presyo ang usapan, sa aking palagay, panahon na para tanggalin na natin ang systems loss na pinapasa sa konsyumer. Pinapasa ito sa konsyumer at kinakarga sa bill na pinapatungan pa ng value-added tax,” ani Marcos sa kaniyang talumpati.
“Hindi naman kasalanan ng konsyumer kung bakit nagkaroon ng systems loss. Kaya hindi naman tama na kailangan sila pa ang pagbabayarin dito,” dagdag niya.
Panawagan ng pangulo, “Therefore, we the people request, no we demand, for the immediate amendment of the EPIRA and to prohibit charging of systems loss against consumers including the value added tax thereon.”
Hinimok din ng Pangulo ang mga mambabatas na ipasa ang Sariling Kuryente Act upang higit pang mapababa ang halaga ng kuryente para sa mga Pilipino.
“Upang maging simple, madali, at abot-kaya ang pagpapakabit ng solar panel at battery storage systems sa kanilang mga bahay, hinihiling ko ang tulong ng Kongreso na maipasa na ang Sariling Kuryente Act,” ani Marcos.– FRJ GMA News
